Gerald walang balak maging vlogger: ‘Hindi ko kayang magkaroon ng sariling YouTube channel, mahiyain ako, eh’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Gerald Anderson
DIRETSAHANG inamin ng Kapamilya hunk actor na si Gerald Anderson na hindi niya kayang mag-vlog dahil sobrang mahiyain siya sa totoong buhay.
Napakarami nang mga artista at kilalang celebrities ang pumapasok sa pagba-vlog sa pamamagitan ng YouTube pero sabi ni Gerald, parang hindi talaga para sa kanya ang vlogging.
Sa panayam ni Korina Sanchez sa boyfriend ni Julia Barretto, binalikan niya ang naging kaganapan at mga na-experience niya bilang housemate sa “Pinoy Big Brother Teen Edition” noong 2006.
Aniya, hinding-hindi niya makakalimutan ang mga naging karanasan at mga natutunang life lessons sa pagiging housemate ni Big Brother. Ito raw ang naging daan para makapasok siya sa showbiz at magkaroon ng magandang buhay.
Ayon pa kay Gerald, “Sabi ko nga, kung naging artista ako ngayon or nag-start ako ngayon, with how easy it is to be celebrity dahil sa YouTube, social media, mag-post ka lang, celebrity ka na, mahihirapan ako ngayon maging artista.
“Mahiyain ako, eh. Hindi ko kaya ‘yung magkaroon ng sariling YouTube channel,” chika ng binata.
Hindi naman daw talaga inasahan ni Gerald na magiging daan ang “PBB” para makapasok siya sa mundo ng showbiz. Sa katunayan, super shocked ang aktor nang malamang napakarami na niyang supporters paglabas ng “PBB” house.
Dito rin nabuo ang loveteam nila ni Kim Chiu na siyang nanalong Big Winner sa “PBB Teen Edition.” Kasunod nito, naging magkarelasyon din ang dalawang Kapamilya stars pero nagkahiwalay din makalipas ang ilang taon.
Naniniwala si Gerald na may kakambal na suwerte ang pagpasok niya sa “PBB” house, “Luck is a big part of it. Sinuwerte lang talaga ako.”
Siyempre, nagpapasalamat din si Gerald sa mga fans nila ni Kim na hanggang ngayon ay nakasuporta pa rin sa kanila kahit na nga may kanya-kanya na silang karelasyon.
Pagbabalik-tanaw pa ng hunk actor, “Ang nangyari po paglabas namin ng PBB, parang ginawa na kaming bida sa mga shows.
“Imagine, two months to three months prior niyan, nasa Gen San lang ako nagba-basketball lang. Again, parang nung galing akong States na pumunta ako sa Gen San, culture shock talaga.
“Paglabas namin, gulat kami parehas. ‘Yung impact and pagsalubong sa amin ng tao. Again, we are very lucky. You mix that with hard work,” aniya pa.