Payo nina Rocco Nacino at Yasmien Kurdi laban sa mga scammers, matinding pag-iingat: ‘Ang hirap talagang mag-trust ngayon’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Yasmien Kurdi at Rocco Nacino
NAG-SHARE ang Kapuso stars na sina Yasmien Kurdi at Rocco Nacino ng ilang advice para makaiwas at hindi mabiktima ng mga naglipanang scammers sa social media.
Magkasama sina Yas at Rocco sa upcoming GMA mystery drama series na “The Missing Husband” kung saan ka-join din sa cast sina Jak Roberto, Nadine Samonte, Sophie Albert at Joross Gamboa.
Mula sa direksyon ni Mark Reyes, isa sa mga tatalakayin sa serye ang mga scam-related issues kung saan siguradong maraming kababayan natin ang makaka-relate lalo na yung mga nabudol at naloko sa pamamagitan ng socmed at internet.
Para kay Rocco, maraming paraan para makaiwas sa mga scam, isa na rito ang pagtitipid at paggastos sa tamang paraan at huwag na huwag daw basta maniniwala sa mga nababasa at napapanood natin sa social media.
“Mag-ipon tayo tapos magtabi tayo ng pera na gagamitin natin pang-invest. Pero kailangan din natin magtabi ng pera para sa emergency. Kunwari ganyan ma-scam, hindi talaga masisira buhay n’yo,” ang paalala ng Kapuso actor sa panayam ng GMA.
Matatandaang sa isang interview ay inamin ni Rocco na minsan na siyang naging biktima ng isang investment scam. Aniya, halos six digits daw ang nawala sa kanya.
Ang advice naman ni Yasmien, “Ang hirap talagang mag-trust. Make sure na talagang lehitimo ‘yung tao, mayroong ID, nanggagaling sa maayos na company, may DTI.
“Kailangan n’yong mag-research about the person or company bago kayo pumasok sa isang investment,” sabi ni Yasmien.
Kamakailan ay naibahagi rin ni Rocco na noong malaman niya kung ano ang gagampanang role sa bago niyang serye ay agad daw siyang nag-research tungkol sa mga taong nabiktima ng scam.
“Nu’ng nalaman ko about the show, about the role, I started talking to people na naging victims of scams at marami akong narinig na horror stories at nakakaiyak na pakinggan.
“Hopefully sa cast na ito na alam kong lahat ay magagaling, ay talagang makapag-reach out kami sa kanila,” chika ng aktor.