Bryanboy tuloy ang pang-ookray kay Rendon Labador: ‘Kakauwi ko lang galing Rome, dedma na po tayo sa rice, ang chaka! Nakakasawa!’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Bryanboy at Rendon Labrador
WALANG gustong magpaawat, walang nais magpatalo — lahat palaban at talagang walang inuurungan.
Matapos resbakan ni Rendon Labador ang social media personality na si Bryanboy dahil sa maaanghang na pahayag nito tungkol sa kanyang kontrobersyal na “motivational rice”, may bagong banat naman ang kilalang socialite.
Yes, nakarating na kay Bryanboy o mas kilala ngayon ng mga netizens sa tawag na “Ninang” ang sagot sa kanya ni Rendon matapos nga niyang okrayin ang ibinebenta nitong “motivational rice” sa pag-aaring restaurant.
Pinaandaran kasi ng fashion blogger si Rendon at ipinagmalaki ang kinakain nilang Gucci rice na nagkakahalaga raw ng 20,000 euros. Aniya, hindi raw nakaka-motivate ang P100 halaga ng kanin na ibinebenta ng negostanye.
Ipinamukha naman ni Rendon kay Bryanboy ang kanyang objective sa naturang motivational rice, “Akala ko matalino ka? May pera ka, pero tanga ka. Una sa lahat, sino ka ba? Wala akong pakialam sa Gucci rice mo.
“Ang binabago ko rito yung mindset ng mga Pilipino. Ano yung sinasabi mo na problema ng mga mahihirap? Di ba dapat doon tayo magsimula? Tulungan yung mga mahihirap na masolusyunan ang mga problema nila,” ang matinding banat ng motivational speaker kay Ninang.
“Wala naman akong pakialam sa presyo. Hindi naman presyo yung usapan dito eh. Ang usapan dito, dapat nating baguhin yung maling mindset ng mga Pilipino para maafford nila yung mga gusto nilang maafford sa buhay nila,” dagdag pa ni Rendon.
Nitong nagdaang Sabado, April 15, hindi pa rin nagpatalbog si Bryanboy sa mga pinagsasabi sa kanya ni Rendon. Hirit ni Ninang sa kanyang Facebook video, “Balita ko, meron napikon sa post ko. Bumubula ang bunganga niya.”
Dugtong pa niya, “Kakauwi ko lang galing Rome Italy from a business trip. Dedma na po tayo sa rice. Chaka ang rice. Nakakasawa.
“Here’s what I have for you. Fendi pasta. Mas mahal lang siya kaunti sa Gucci rice,” ang chika pa niya. Aabot naman daw sa 40,000 euros ang halaga kada pakete ng naturang pasta.
Sa huli, ito ang iniwang mensahe ni Ninang para kay Rendon, “‘Di po ba katangahan ‘yung nagbukas ng restaurant tapos nilangaw ang grand opening.”
Ang tinutukoy ni Bryanboy ay ang balitang pagkalugi ng pag-aaring resto ni Rendon dahil walang pumunta at sumuporta sa kanilang opening. Sinisi pa niya ang mga fans ni Coco Martin dahil pinersonal daw siya ng mga ito dahil sa mga pinagsasabi niya laban sa Kapamilya actor
Habang sinusulat namin ang balitang ito ay wala pang bagong bwelta si Rendon laban kay Bryanboy.