Coco, RK, Angeline, Alex laglag sa best actor at best actress nominees para sa 1st Summer MMFF; Kaladkaren lalaban sa pagka-best supporting actress
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Rey Valera, RK Bagatsing, Lito Lapid, Coco Martin, Angeline Quinto at Alex Gonzaga
SIGURADONG malungkot at dismayado ang mga tagasuporta nina Coco Martin at RK Bagatsing nang hindi mapasama ang mga ito sa mga nominado para sa best actor category ng 1st Summer Metro Manila Film Festival.
Bago nga maganap ang Gabi ng Parangal para sa kauna-unahang Summer MMFF tonight, inilabas ng mga organizers ng filmfest ang mga maglalaban-laban sa iba’t ibang kategorya.
Ang magbabakbakan sa pagka-best actor ay sina Carlo Aquino para sa “Love You Long Time”, Elijah Canlas para sa “About Us But Not About Us”, Enchong Dee for “Here Comes the Groom”, Gerald Anderson for “Unravel: A Swiss Side Love Story”, Romnick Sarmenta para sa “About Us But Not About Us” at ang Korean actor na si Yoo Ming Gon ng “‘Yung Libro sa Napanood Ko.”
Obviously, hindi pumasa sa panlasa ng mga hurado na pumili ng mga nominado ang akting ni Coco sa “Apag” at ang performance ni RK sa “Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko.”
Sa Best Actress in a Leading Role category naman ay nominado sina Bela Padilla para sa “‘Yung Libro sa Napanood Ko”, Gladys Reyes para sa “Apag” at Kylie Padilla para sa “Unravel: A Swiss Side Love Story.”
Hindi nakapasok sa listahan ng mga nominado sina Alex Gonzaga at Angeline Quinto na bida sa “Single Bells” kaya ano kaya ang magiging reaksyon ng kanilang mga fans sa pang-iisnab ng mga MMFF jurors sa kanilang akting.
Samantala, tuwang-tuwa naman ang TV host-actress at impersonator ni Karen Davila na si KaladKaren dahil napasama siya sa mga nominado para sa pagka-best supporting actress.
Napansin ng jury ang acting ni Kaladkaren o Jervi Li sa tunay na buhay, para sa comedy movie na “Here Comes the Groom”.
Ibinalita ni KaladKaren sa kanyang social media followers ang good news, “WOW!!!!! Inclusion. This means so much to me!!!! Thank you MMFF for nominating me in this category!”
Makakalaban ng TV host-actress sa nasabing kategorya sina Ana Abad Santos para sa “Love You Long Time” at ang co-star niya sa “Here Comes The Groom” na si Maris Racal.
Binati naman ng mga kapwa niya transwoman at iba pang miyembro ng LGBTQIA+ community si Kaladkaren dahil maituturing nga nila itong isang malaking achievement para sa grupo ng mga transgender.
Kahapon, in-announce naman ang pagkakapili sa award-winning international actress na si Dolly de Leon bilang head ng jury na siyang manghuhusga kung sinu-sino ang karapat-dapat magwagi sa Gabi Ng Parangal.