Dalawang kandidata nakikitang magpupukpukan sa Miss Philippines Earth pageant
MAYROONG 29 kandidata lamang ang Miss Philippines Earth pageant ngayong taon, ngunit tila nakatuon sa kalidad and patimpalak sa halip na dami. Nasa 30 hanggang 40 ang mga kalahok noong mga nagdaang edisyon, at umabot pa nga sa 66 ang nagtagisan sa virtual contest noong 2021. Maliit man ang hanay ngayong taon, ngunit hindi ito kahinaan sapagkat nae-excite na ang mga tagamasid dahil sa nakikini-kinita nilang pukpukang mangyayari.
At dalawang kandidata ang lumalabas na mga paborito ng mga tagasubaybay, mga pamilyar na mukha mula sa mga lalawigan na sumalang na sa iba’t ibang paligsahan—sina Yllana Marie Aduana mula sa Siniloan sa Laguna, at Kerri Reilly mula sa Mangatarem sa Pangasinan.
Ito na ang pangalawang pagtatangka ni Aduana sa korona ng Miss Philippines Earth. Una niyang pagsabak sa isang pambansang patimpalak ang virtual competition noong 2021, ngunit nakasungkit pa siya ng puwesto bilang runner-up. Kalaunan, hinirang siyang Miss FIT (face, intelligence, town), at tumuloy pa sa 2022 Binibining Pilipinas pageant kung saan siya nagtapos sa Top 12 at tinanggap pa ang parangal bilang “Face of Binibini” (Miss Photogenic). Nagtapos naman sa Top 8 ng nagdaang Century Superbods contest si Reilly.
“I feel like all of us here are trying their best, and is here for a reason. And me and Yllana are doing our part,” sinabi ni Reilly sa Inquirer sa isang panayam nang dumalaw sila sa Queen’s Wellness and Beauty Center sa Quezon City noong Abril 2.
Sinang-ayunan naman siya ni Aduana, at sinabing, “we’re all doing our best and it’s really overwhelming, but in a good way. It actually just motivates us to do good, and empower one another, empower my eco sisters.”
At kahit pinagsasabong sila ng mga tagasubaybay, na sinasali rin ang iba pang may malakas na laban, ibinahagi ni Aduana na “it’s actually a very fun environment that we’re in right now, because everyone’s super supportive, everyone’s super kind, very sweet. I cannot ask for more.”
Naghayag naman ng pasasalamat ang dalawa para sa mga naghatid sa kanila sa kinalalagyan nila ngayon. “I just want to say thank you for supporting everyone. Thank you very much for supporting me. To the Pangasinan people, thank you so, so, so much. I wouldn’t be here without you,” ani Reilly.
Pinasalamatan naman ni Aduana ang mga tagahanga, tagasubaybay, pamilya, manager, at mga financier “who have been supporting me since day 1.” Lubos din ang pasasalamat niya sa “Pamahalaang Lokal ng Siniloan and the LGU, and also to the entire Laguna province.”
Kokoronahan ang mga reyna ng 2023 Miss Philippines Earth pageant sa pagtatapos ng Abril. Babandera sa 2023 Miss Earth pageant sa Vietnam ang pangunahing reyna. Noong isang taon, nagtapos sa Top 20 ng pandaigdigang patimpalak ang pambato ng bansa na si Jenny Ramp.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.