Coco ligwak sa teleserye nina Judy Ann, Shaina at Rayver sa ABS-CBN: ‘Ang tingin kasi talaga sa akin noon bold actor’

Coco na-reject sa teleserye nina Judy Ann, Shaina at Rayver sa ABS-CBN: 'Ang tingin kasi talaga sa akin noon bold actor'

Coco Martin

NANG dahil sa pangungulit ng award-winning actress na si Jaclyn Jose, natupad ang napakatagal nang pangarap ni Coco Martin na magkaroon ng trabaho sa mundo ng telebisyon.

Knows n’yo ba na dalawang beses palang na-reject si Coco sa ABS-CBN noong nagsisimula pa lamang ang kanyang showbiz career? Kabilang na rito ang dapat sanay pagganap niya bilang ka-love triangle ng loveteam noon nina Shaina Magdayao at Rayver Cruz.

Yan ang inamin ng Kapamilya Primetime King at Teleserye King sa mga miyembro ng entertainment media sa ginanap na presscon ng pelikulang “Apag” na entry sa 1st Summer Metro Manila Film Festival at magsisimula na sa darating na April 8.


Kuwento ng premyadong aktor, ang pagbibida niya sa mga sexy films tulad ng “Masahista” at “Serbis,” na idinirek ni Brillante Mendoza and dahilan kung bakit naeetsapwera siya sa mga wholesome projects sa TV.

Ayon sa aktor, ang nanay-nanayan niya sa showbiz na si Jaclyn Jose ang naging daan para makapasok siya finally sa bakuran ng ABS-CBN at mabigyan ng magandang proyekto.

“Kung hindi ko pa po nakukuwento, si Jaclyn Jose, si Mommy Jane, ang isa sa mga dahilan bakit ako nakapasok sa TV. Kasi marami akong rejections noon, e, dahil nga noong nagsisimula ako sa indie films, mga ginagawa namin ni Direk Dante, first movie ko, ‘Masahista’ tapos medyo matured,” ang pagbabalik-tanaw ni Coco.

“Ang tingin talaga sa akin noon ng network, bold actor, sexy star. Kapag nag-i-inquire sila sa akin noon kay Direk Dante para kunin ako tapos magsasarado na yung project. Hindi ko makalimutan to, e, unang in-inquire kay Direk Dante, ‘Direk, pwede ba si Coco maging love triangle ni Shaina at saka ni Rayver?’” kuwento pa ng aktor.


Patuloy pa niya, “Siyempre, si Direk Dante, excited na excited kasi mabibigyan na ako ng trabaho. E, kasi alam naman natin kapag sa TV, yun yung tinatawag ng mga artista na bread and butter.

“Kumbaga, may regular income ka. Kapag sa pelikula kasi, minsan ngayon meron, tapos medyo matagal wala. Siyempre, excited kami na makakapasok na ako sa TV, magkakaroon na ako ng regular show.

“Tapos biglang binalikan kami, ‘Direk, si Coco Martin pala ay bold actor. E, alam mo naman, medyo conservative kung ila-love triangle Kina Shaina at Rayver.’ Kami naman, e, di okay, next time,” pag-alala ni Coco.

Ang sumunod na inquiry sa kanya ay ang pagganap sana bilang beking bestfriend ni Judy Ann Santos sa teleserye, “Sabi ni Direk Dante, ‘Anong role?’ ‘Gay siya na magiging bestfriend ni Ate Juday.’ ‘Sige sige,’ sabi ni Direk Dante.

Baka Bet Mo: Bea inakalang sobrang bata ni Dominic para dyowain: Talagang mukha lang siyang sanggol!

“Sinabi sa akin ni Direk Dante na yun nga, may nag-i-inquire. Sabi ko, ‘Sige, laban ako diyan basta may trabaho.’ ‘Tapos binalikan na naman si Direk Dante, ‘Direk, pasensya na, sexy actor pala si Coco Martin. Alam mo naman, kapag sa TV, conservative,’” chika pa ng aktor.

Siyempre, na-hurt din siya sa magkasunod na rejection, “Kasi sinasabi ko sa sarili ko, ang taas ng tingin ko sa trabahong ginagawa ko. Hindi ko siya tinitingnan na parang itong proyektong ito, gagawin ko, maghuhubad ako, magpapakita ako ng katawan kasi gusto kong sumikat, hindi yun.

“Ginagawa ko yung project na yun dahil may tiwala ako, may respeto ako sa trabahong ginagawa ko, kahit ano pa yan.

“After that, talagang sabi ko mula noon, ayaw ko nang mag-TV. Kasi, sabi ko, kung ayaw nila sa akin, e, di huwag. Hindi ko naman pinagpipilitan ang sarili ko. Sila ang nag-i-inquire sa akin.

“Ang masakit, nakakatikim ako ng rejection. Napakasakit na ang baba ng tingin nila sa akin pero ang taas-taas ng tingin ko sa trabahong ginagawa ko,” esplika pa niya.


Hanggang sa magkausap na nga raw sila ni Jaclyn, “Tapos noong nandoon na kami sa Cannes, hindi ko makakalimutan ‘to. Sabi ni Mommy Jane, nag-iinuman kami doon kasi competition kami. Sabi ni Mommy Jane, ‘Co, gusto kang kunin ni Direk Andoy (Ranay) sa show niya sa Channel 2, ‘Ligaw Na Bulaklak.’’ Sabi ko, ‘Mommy Jane, ayoko na.’

“Kasi sabi ko, ilang beses na akong na-reject sa TV. Kung ayaw na nila sa akin, okay lang naman. Dito na lang ako sa indie. Hindi man ganu’n kalaki yung kinikita ko pero nararamdaman ko yung respeto.

“Kumbaga, yung pagtingin nila sa ginagawa natin, lalo na kapag lumalaban kami sa international. Hindi nila kami kilala doon pero yung respeto, natatanggap namin. Bakit sa sarili naming bansa, iba? Bakit ang baba ng tingin, bakit ganu’n ang tingin sa amin?

“Sabi ni Mommy Jane sa akin, ‘Nak, pagbigyan mo na ako, isa na lang. Kapag hindi pa natuloy itong project na ito, huwag ka na mag-TV kahit kailan. Pagbigyan mo na ako, isa na lang,’” pag-alala pa ni Coco.

At dahil nga sa “Ligaw na Bulaklak”, napansin ng mga bossing ng ABS-CBN ang kanyang galing sa pag-arte, “Doon ako nag-start, doon ako napansin, na binigyan ako ni Direk Andoy Ranay ng pagkakataon. Doon ako napansin ng Channel 2 na magdidire-diretso yung trabaho ko sa ABS-CBN.”

Samantala, magsisilbi namang reunion movie nina Coco at Direk Brillante ang “Apag” kung saan makakasama rin sina Jaclyn, Shaina, Gladys Reyes, Mercedes Cabral, Lito Lapid, Gina Pareño at Joseph Marco.

Coco hirap na hirap mag-shooting sa US: Hindi ko alam kung paano ko kakausapin ‘yung mga crew doon

Buntis na singer-actress pinayuhang huwag nang magpakasal sa tatay ng anak

Read more...