Gerald maraming pinaiyak sa ending ng ‘Unravel’, Kylie napaluha nang sabihing pang-best actress ang akting
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Gerald Anderson at Kylie Padilla
PARA sa amin, ang pelikulang “Unravel” na ang pinakamagandang pelikulang nagawa nina Gerald Anderson at Kylie Padilla.
Nabigyan kami ng pagkakataon na mapanood ang naturang movie kahapon sa naganap na special press preview sa Cinema 2 ng SM The Block.
Ang “Unravel” ay isa sa walong official entry sa 1st Summer Metro Manila Film Festival na magsisimula na sa April 8 (Black Saturday) mula sa MavX Productions.
Parehong nabigyan ng hustisya nina Gerald at Kylie ang kanilang mga karakter bilang sina Noah at Lucy na pinagtagpo ng pagkakataon sa napakagandang Switzerland.
Perfect sa kanila ang kanilang mga role at in fairness, hindi imposibleng ma-nominate at manalo silang best actor at best actress para sa “Unravel” mula sa direksyon ni RC delos Reyes.
Napaluha pa nga si Kylie nang sabihing napakagaling niya sa movie at hindi nga malayong makasungkit siya ng mga trophy sa next awards season.
Napapanahon at sensitibo ang tema at kuwento ng pelikula – tungkol ito sa mental health at suicide kaya siguradong maraming mapupulot na life lesson ang mga manonood.
Bukod pa rito, siguradong mag-eenjoy ang lahat ng susugod sa mga sinehan para manood ng “Unravel” dahil sa iba’t ibang tourist spots sa Switzerland.
Napasigaw din kami nang bonggang-bongga sa mga buwis-buhay “stunts” na pinaggagawa nina Kylie at Gerald kabilang na ang nakakalokang skydiving.
Samantala, sa pagsalang ni Gerald sa “Celebrity Conversations” online show ng Star Magic, naibahagi niya ang kanyang mga saloobin sa 16 years niya sa entertainment industry.
“Whatever I do in life I want to be the best at. Gusto ko ibigay yung100% ko. At sa industriya na ito 10 years, 15 years, 20 years later from now ‘yung legacy na gusto kong maiwan is ‘yung mga proyektong nagawa ko,” pahayag ng Kapamilya hunk actor.
“I’ve been very blessed na maganda ‘yung mga projects na ipinagkatiwala sa akin. Gusto ko 10 years from now kapag pinanood ‘yung mga proyekto ay relevant at quality pa rin,” aniya pa.
Ilan sa mga natutunan niya sa magdadalawang dekada na niyang career, “Just always be professional, always prepared. Kasi katulad nito ang daming tao, ang daming umaasa sa iyo, lalo na kapag gagawa ka ng isang teleserye o isang movie.
“Maraming nangyayari, magulo ang set, mayroong time restrictions, lalo na ngayon may mga protocols. So always just come prepared and be professional,” pahayag ng aktor.
Sa bandang huli ng panayam, natanong si Gerald kung ano ang greatest blessing na natanggap niya bilang aktor, “Just ‘yung tiwala na ibinibigay sa akin ng ABS-CBN, just always being there for me. From productions like ‘yung teleserye, Star Cinema.
“Sa showbiz kasi ay maraming ups and downs and through ups and downs they’ve always been there for me so ‘yun ang true blessings. And building relationships na with people that I get to work with,” pahayag pa ni Gerald Anderson.