Ina Raymundo umaming na-exploit sa sexy movie na ginawa niya noon: ‘Na-force ako…may pananakot pa na idedemanda ako’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Ina Raymundo
SA kauna-unahang pagkakataon ay isinapubliko ng aktres na si Ina Raymundo na na-exploit siya sa isang sexy movie na ginawa niya ilang taon na ngayon ang nakararaan.
Diretsahan nang inamin ni Ina na napilitan lang siyang gawin ang naturang pelikula kung saan nakita ang hubo’t hubad niyang katawan na wala naman daw sa napag-usapan ng produksiyon.
Sa panayam ng “Fast Talk with Boy Abunda” kay Ina sinabi niyang napuwersa lamang siyang gawin ang mga mapangahas at sensitibong mga eksena sa nasabing sexy film na hindi na niya binanggit.
Bago sumabak sa paggawa ng pelikula, unang sumikat ang tinaguriang hot celebrity mama noong dekada 90 nang gawin niya ang isang liquor drink commercial bilang Sabado Nights Girl.
Kasunod nito, bumida na siya sa mga sexy movies tulad ng “Bikini Watch” (1995), “Lihim” (1997), at “Burlesk Queen Ngayon” (1999).
Tanong ni Boy Abunda sa aktres, “Ina, there was a time na gumawa ka ng mga mapangahas, daring films, may pagsisisi ba?”
Tugon ni Ina, “Of course, kung maibabalik ko lang ayokong gawin ‘yun kasi sa totoo lang. Ito ayokong pag-usapan ‘to, but na-force ako, na-exploit talaga ako.”
Pagpapatuloy niya, “May movie akong ginawa na ang usapan ano lang breast exposure tapos ang ending sa movie na they wanted more.
“So ‘yun talaga parang sobrang dark moment ‘yung time na ‘yun. Buti na lang kumita ‘yung pelikula nang husto so in a way parang na-vindicate,” kuwento ni Ina.
Dugtong pa niya, “Basta I don’t even want to mention kung sino ang nang-api sa akin noon pero yeah, parang they treated me like a child na sinisigaw-sigawan dahil ayokong gawin ‘yung eksena.”
“Meron pang pananakot na isu-sue ako pero kung tutuusin that was just a bluff because wala naman kaming written na usapan na mag-o-all-out ako,” pagbabahagi pa ng aktres.
Sa ngayon ay naka-move on na naman daw siya mula sa mala-bangungot na karanasang iyon, “Thank God I’m healed pero at that moment I wasn’t okay.”
“Ayoko lang talaga ng gulo. I don’t want controversy but first and last time ko na pag-uusapan ‘yun dahil ikaw ang kausap ko and you’re special to me,” aniya pa.