PINAALALAHANAN ng Department of Health (DOH) ang publiko ukol sa pag-inom ng mga matatamis na inumin lalo na’t napakainit ng panahon ngayon.
Inaasahan raw kasi ang labis na pag-inom ng mga pamatid uhaw na inumin kagaya ng mga samalamig, flavored juices, sago’t gulaman na may sangkap na asukal na mabibili sa kalsada, kanto, at iba pa.
“Ito nga ay medyo magiging popular ngayon sa ating mga kababayan lalong lalo na’t naglalakad tayo sa kalye, ang init init. Makakakita tayo sa bawat kanto na nagbebenta nitong samalamig, mga juice, mga gulaman, mga sago na ibinibenta ng ating mga kababayan,” saad ng DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire.
Pagpapatuloy niya, “Unang-una po gusto nating magpaalala sa ating mga kababayan, kung maaari po, magbaon po tayo ng inumin. Ang pangunahin na kailangan natin kapag tayo ay nasa tindi ng araw ay tubig.”
Ani DOH OIC, ang mga nabibiling inumin sa kalye ay may halong asukal at hindi purong tubig na siyang pangunahing kailangan ng katawan natin.
“Pinakamainam pa rin po tubig o malamig na tubig ang inumin natin kapag tayo’y nakakaramdam ng init ng araw.”
“Pangalawa, ito pong mga nagbebenta ng ating mga samalamig sa bawat kanto, dyan po sa mga palengke, sana po, amin po kayong pinapaalalahanan na siguraduhin po nating malinis ang tubig na pinagkukunan natin para ipagtimpla dito sa mga ibinibenta natin,” sey ni DOH Officer-in-Charge Vergeire.
Baka Bet Mo: Ice Seguerra pinaiyak ang mga um-attend sa Healthy Pilipinas Short filmfest; Liza Dino super pasalamat sa DOH
Pinaalalahanan rin niya na dapat ay siguraduhing malinis ang tubig na gamit upang ipangtimpla sa mga flavored drinks.
Ayon sa DOH, “Hindi lang po tubig ang siguraduhin nating ligtas pati na rin po yung mga yelong ginagamit natin.
“Kapag nilalagay natin dito sa binibenta natin, kailangan ugaliin na hinuhugasan at siguraduhin na malinis ang pinanggagalingan.”
Nakiusap rin ang DOH na sana ay mapagtuunan ng sanitation officers ng mga local government units ang mga tindero at tindera ng mga inumin sa kalsada upang maiwasan ang pagkakaroon ng sakit ng publiko.
“Para sa mga ating local government units, sana po ma-monitor po ng ating sanitation officers ito pong mga nagbebenta sa ngayon dito po sa ating bansa nitong mga samalamig sa mga bawat kanto, mga palengke o public spaces para masiguro po nating malinis ang iniinom ng ating kababayan, maiwasan po natin ang gastro-intestinal problems dito sa ating bansa.”
Iba Pang Balita:
DOH nabahala, residenteng apektado ng oil spill sa Mindoro nagkakasakit na
FDCP, DOH sanib-pwersa para sa Healthy Pilipinas Short Film Festival; 6 na pelikula ‘pasok sa banga’