Ending ng Summer MMFF entry ni Coco Martin na ‘Apag’ shocking; Brillante Mendoza ibinuking si Aljur Abrenica
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Coco Martin, Shaina Magdayao, Jaclyn Jose, Gladys Reyes, Mark at Lito Lapid
GRABE! As in grabe ang ending ng pelikulang “Apag” na pinagbibidahan nina Coco Martin, Jaclyn Jose, Shaina Magdayao at Gladys Reyes, mula sa direksyon ni Brillante Mendoza.
In fairness, na-enjoy namin nang bonggang-bongga ang official entry nina Coco sa 1st Summer Metro Manila Film Festival, lalo na ang masasarap at nakapaglalaway na mga pagkaing ipinagmamalaki ng mga Kapampangan.
Isa ang BANDERA sa mga naimbitahan
Expected na naman ang husay sa pagganap nina Coco, Shaina at Jaclyn kaya nabigyan nila ng hustisya ang kani-kanilang mga karakter. Pero ang gusto naming palakpakan talaga sa kabuuan ng pelikula ay si Gladys.
Kaloka! Ngayon lang namin kasi siya napanood na hindi sumisigaw, hindi nagagalit at hindi nananabunot at nananampal. Kaya ibang-iba talaga ang mapapanood n’yong Gladys sa “Apag.”
Bukod kay Gladys, ibang-ibang Lito Lapid din ang masasaksihan ng madlang pipol sa movie. Kung bakit, yan ang dapat n’yong abangan kapag nagsimula na ang Summer MMFF.
Bukod kay Coco na hindi imposibleng magwagi ng best actor sa 1st Summer MMFF, tataya rin kami kay Gladys para sa best actress o best supporting actress para sa napakanatural at napakagaling na performance niya sa “Apag.”
At tulad nga ng nasabi namin, siguradong maloloka at masa-shock kayo sa ending ng pelikula. As in lahat ng nanood sa naganap na premiere night nito sa Cinema 2 ng The Block ay napanganga na lang sa katapusan ng kuwento.
Samantala, wala namang problema kay Coco kung second choice lang siya sa “Apag” na una ngang inalok ni Direk Brillante kay Aljur Abrenica. Ang mahalaga raw ay siya ang last choice ni Brillante Mendoza.
“He said yes to the project then a few days before we started the shooting, biglang nag-back out,” paliwanag ni Direk Brillante.
“Walang sinabing reason, basta wala na siya. But according to his manager, natakot daw. Kasi when he spoke daw in Kapampangan sa kanila, pinagtawanan siya ng mga kapatid niya.
“He must have felt insecure. I wasn’t expecting at all that he would back out,” aniya pa.
Kasunod nito, tinawagan na niya agad si Coco na dati niyang talent. Siya ang unang nagbigay ng big break sa aktor na unang sumikat sa award-winning indie movie na “Masahista” na ipinalabas noong 2005.
“Marami kami talagang pinagsamahan so noong nataranta ako, kasi naka-set up na ang shooting, tapos biglang walgn lead actor, siya agad ang naisip kong tawagan.
“Kasi kapag may problema siya sa set noon ng ‘Probinsyano,’ he calls me up. So ako naman ang tumawag sa kanya, Sabi ko, may problema ako. Yung artista ko, biglang nag-back out.
“Sabi niya, bakit, ano nangyari? So nagkuwento ako. Sabi niya, naku, kundi lang ako nagte-taping, ako na gaganap diyan. Pero may break kami sa taping, kasi magpa-Pasko. Sabi ko, are you serious? He said, Oo, aayusin ko ang schedule ko.
“So ayun, nag-shooting kami bigla na kasama siya kahit Pasko. Wala siyang naging Christmas vacation sa taping niya.
“Godsent talaga siya para sa ‘Apag’. Naging blessing in disguise ang pag-back out ni Aljur with Coco no less as his replacement,” pahayag pa ng premyadong filmmaker.
Mula sa panulat ni Arianna Martinez, kasama rin sa movie na isang pa-tribute ni Direk Brillante sa mga kapwa niya Pampangueño, sina Julio Diaz, Vince Rillon, Joseph Marco, Mark Lapid, Ronwaldo Martin, at Mercedes Cabral.
Mapapanood na ang “Apag” simula sa April 8 bilang bahagi nga ng kauna-unahang Summer MetroManila filmfest.