Wikang Tagalog ituturo na sa Harvard

Tagalog ituturo na sa Harvard University

Trulalu?

Ituturo na sa Harvard University ang wikang Tagalog, ang pang-apat na pinakamalawak na sinasalitang wika sa Estados Unidos, ayon sa ulat ng Harvard Crimson, ang pahayagan ng mga mag-aaral sa sikat na unibersidad.

Ayon sa ulat, maghahanap ang Department of South Asian Studies ng gurong magtuturo ng Tagalog sa akademikong taon 2023 hanggang 2024. Ituturo rin ang mga lenggwahe ng Indonesia at Thailand.

Sinabi ni James Robson, isang propesor ng East Asian Languages and Civilizations at direktor ng Asia Center sa Harvard, na nagsisikap ang kagawaran na palawakin sa unibersidad ang edukasyon tungkol sa Southeast Asia sa loob ng mahigit dalawang taon.

Sa pamamagitan ng kursong Tagalog, inaasahan ng departamento na maipapakita ang pangangailangan para sa mga wika ng Southeast Asia, at “sana ay magagamit rin natin ito upang makumbinsi ang administrasyon na mas suportahan ang mga  Southeast Asian studies.”

Ang Tagalog ay isa sa mga pangunahing wika sa Pilipinas, kung saan ang pambansang wika na Filipino ay nakabase. Filipino at Ingles ang dalawang opisyal na wika sa bansa.

Ayon kay Marcky Antonio, isa sa mga co-president ng Harvard Philippine Forum (HPF), bagama’t ito ay isang “malaking panalo” para sa Filipino community, kailangan pa rin ng unibersidad na siguraduhing ang wika at kultura ng Pilipinas ay naitututo nang tama.

“Habang ito ang unang kursong Tagalog na ino-offer sa kasaysayan ng Harvard, naniniwala ako na kailangan din nating siguruhin na ito ay ituturo nang tama – hindi lamang ang wika ng Tagalog, kundi pati ang kultura ng mga Pilipino,” aniya.

Hindi lamang ang Harvard, isa sa mga nangungunang unibersidad sa buong mundo, ang nag-ooffer ng kursong Tagalog sa mga estudyante sa Amerika.

Ang University of Washington sa Seattle ay nag-ooffer ng kursong Tagalog sa ilalim ng kanilang American Ethnic Studies program.

Nag-ooffer rin ng mga kursong Filipino o Tagalog ang University of Pennsylvania sa Philadelphia; University of California San Diego sa La Jolla, California; Cornell University sa Ithaca, New York; at University of Michigan sa Ann Arbor.

Sa University of Hawaii sa Manoa sa Honolulu, maaaring kumuha ng Bachelor of Arts degree sa Philippine Language and Culture ang mga estudyante.

IBA PANG BALITA
Masakit, besh. Pero sa New Zealand may kampanya para tulungan ang mga kabataang sawi

Read more...