Osang naging inspirasyon sa paghahanap ng asawa ang mga kanta ni Rey Valera: ‘Pero nabigo ako!’
By: Reggee Bonoan
- 2 years ago
Rosanna Roces
ISA si Rosanna Roces sa avid fan ni Ginoong Rey Valera at lahat ng kanta nito ay naging bahagi ng buhay niya at naging batayan pa sa pagpili ng makakasama sa buhay.
Ito ang ibinahagi ni Osang sa grand mediacon ng pelikulang “Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko: The Music of Rey Valera” na entry ng Saranggola Media sa 1st Summer Metro Manila Film Festival simula sa Abril 8 na idinirek ni Joven Tan.
Kuwento ng aktres, “Sobrang nagagalak ako at napasama ako dito at ako ‘yung gumanap bilang Lita na pinagkuhanan niya ng inspirasyon para sa (awiting) Maging Sino Ka Man.
“Sabi ko nga noon, Martial Law ipinanganak ako 1972 hindi ko siya naabutan at ang namamayagpag po noon ay OPM, Original Pilipino Music at sabi ko rin doon sa video na sinabmit ko kay direk (Jovens), pag sinabing Rey Valera hindi pa tapos iyong number 1 niya, sunod na linggo mayroon na naman,” ani Osang.
At sa tagal na ni Rosanna sa showbiz ay hindi pa pala niya nakikita nang personal ang kanyang idolo, “At least nakita na kita, ngayon lang kami nagkita ng personal, idol ko iyan (Rey) noong bata ako bukod sa iba pa (singers) at bilang mahilig din ako sa music, so naging inspirasyon ko sa paghahanap ng asawa iyong mga kanta niya at nabigo ako. Ha-hahaha!” humalakhak na kuwento nito.
Anong mga kanta ng music legend ang bagay sa buhay ni Osang? “Tayong Dalawa noon, ah. Kasi pansin ninyo hindi ako mahilig sa mayaman na lalaki, di ba? (Sabay kanta), ‘hindi ko na hinahangad ang yaman sa mundo’ so, masyado akong naniwala sa kanta niya (tawanan ang lahat).
“Hindi pala totoo ‘yun, dapat may pera. Ha-hahaha! Tapos Sinasamba Kita, pag sinabi sa akin ng lalaki mapapakasalan ko, so, hindi ako tumingin sa salapi.
“Hanggang ngayon naman ganu’n, mali, e! Kailangan pala talaga background check!” tumatawang sabi ulit ni Hazel (tawag namin sa kanya).
May isinulat ding awitin si Ginoong Rey para sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community, ang “Walang Kapalit” na ngayon lang nalaman ng aktres.
“Talaga? Sige, mapapanood ko mamaya (special screening ng pelikula). Kaya pala bumagsak din ako sa kababata ko, kaya doon ako naniwala na ang totoong pag-ibig kahit saan mo dalhin iyan ay magtatagpo’t magtatagpo at magtatagal,” biglang nagseryosong sabi ng aktres.
Isinama ni Osang sa screening ng “Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko: The Music of Rey Valera” ang partner in life niya na si Blessie, ang apo niyang si Leone Alonzo Adriano na pinasok na rin ang showbiz. Ang guwapo ni Leone at nakuha niya ang ilong ng lola niyang tisay.
Samantala, nakakaiyak ang episode ni Osang na “Lita Limang Piso” dahil may lalaking nagmamahal sa kanya ng tapat, ito ang karakter ni Dennis Padilla pero hindi niya magawang tanggapin dahil may asawa siya, si Ronnie Lazaro.
Baldado ang karakter ni Ronnie at ipinagtutulakan na niyang iwan siya ng asawa pero tumanggi si Osang at pinagsisilbihan pa rin niya ito dahil ang katwiran niya ay minahal siya ng labis kahit alam ang buong pagkatao niya.
Anyway, habang sinusulat namin ang balitang ito ay katsika namin ang aktres at masaya niyang ibinalita na ang pelikula niyang “Guro” na idinirek ni Neal Buboy Tan ay ipalalabas sa Toronto, Canada ngayong Mayo hanggang Hunyo.
“Matagal na dapat ito, e, nag-pandemya di ba, so ngayon lang matutuloy kaya nasa Canada kami (kasama si Blessie) ng May hanggang June,” sambit niya.