Noontime show sa TV5 na ‘LOL’ tatapusin na, ipapalit daw ang ‘Face To Face’ ni Karla Estrada?
By: Reggee Bonoan
- 2 years ago
Ogier Diaz at Karla Estrada
MAWAWALA na nga ba ang “Lunch Out Loud” o “LOL”, ang noontime show sa TV5 na ka-back-to-back ng “It’s Showtime”?
Ito ang ibinalita ni Ogie Diaz sa vlog nila ni Mama Loi kasama si Ate Mrena na “Showbiz Update” na in-upload ngayong hapon na hanggang April 29 na lang ang airing nito at sa March 29 naman ang last taping day nila.
Aksidenteng nalaman daw ng taga-“LOL” na mawawala na sila sa ere nang may nakakuwentuhan si Karla Estrada na magkakaroon siya ng programa sa TV5, ang “Face to Face.”
Ang kuwento ni Ogie, “Basta may nagtsika lang sa akin na ang last day of taping nila ay March 29 at ang last airing ng kanilang tineyp ay magtatapos sa April 29, kung tama ang ibinalita sa ain.
“Mayroon daw nakausap itong isang host ng LOL, nakausap niya si Karla Estrada at ibinalita sa kanya na, ‘uy mayroon akong show sa TV5, tapos sabi ng host ng LOL, ‘ay ano ‘yun?”
“(Sabi ni Karla), Face to Face with Alex Calleja. (Tanong ng taga LOL), ‘anong timeslot n’yo? “Ay ano raw 11-12 (noon) weekdays,” ang balita ni Ogie.
Hirit ni Mama Loi, “E, di ba ‘Nay iyon ‘yung timeslot ng LOL?”
Pagpapatuloy ni Ogie, “Iyon na nga kaya naloka ‘yung host ng LOL, e, teka sandali naman. Teka, parang dire-diretso yata si Karla sa ano, hindi man lang bumisina.
“Kaya tinanong nu’ng host ang napagkuwentuhan nila ni Karla doon sa kanilang production staff kung totoo ‘yun, e, di nagulantang na silang lahat at ayun na, confirmed!
“Noong una ay April 15 tapos nakiusap yata ‘yung producer ng LOL na baka puwedeng i-extend kaya naging April 29,” sabi pa ng talent manager.
Balik-tanong ni Mama Loi, “Baka naman ililipat ng timeslot?”
Sagot ni Ogie, “Sana nga ganu’n. Ang nakarating naman sa akin ay baka 3 to 4 (p.m.) daw ang timeslot ng LOL. Sana nga magtuluy-tuloy ang LOL.
“Oo nga, sana kasi kawawa naman din ‘yung mga mawawalan ng trabaho,” aniya pa.
Nabanggit na karamihan daw sa production staff na mawawalan ng work kapag tinuluyang mawala ang “LOL” ay mga galing ng ABS-CBN na kasama sa mahigit 11,000 employees noong nawala ang pangkisa ng network.
Anyway, ang nakarating namang balita sa amin ay binawi na ng TV5 ang timeslot para sa bago nilang programa na sila mismo ang magpo-produce.
Blocktimer kasi ang Brightlight Productions na pag-aari ni Bacolod Mayor Albee Benitez na producer ng “LOL” sa TV5 kaya may karapatang bawiin ang timeslot.
Sabi pa ng aming source ay hintayin na lang ang official statement ng TV5 tungkol sa isyung ito.