‘LOL’ nina Billy at Alex sa TV5 tinatalo sa ratings game ang ‘Showtime’ nina Vice
SIMULA pala noong Disyembre, 2020 hanggang Marso, 2021 ay talo ng “Lunch Out Loud” ng TV5 ang “It’s Showtime” sa A2Z sa ratings game.
Ilang buwan palang naman kasi umeere ang “Showtime” sa A2Z free TV kaya puwede talaga itong matalo ng “LOL.”
Base sa nakuha naming datos ay nangunguna sa viewership at rating ang “Lunch Out Loud” na ni-launch noong Oktubre, 2020 na pinangungunahan nina Billy Crawford, Alex Gonzaga, Bayani Agbayani, KC Montero, Ariel Rivera, Wacky Kiray at K Brosas.
Panalo ang energy, chemistry at banters nila sa isa’t isa. Hindi sobra sa timpla, hindi rin kulang, ika nga nila sakto lang kaya agad silang sinubaybayan ng mga manonood dahil nakuha nito ang panlasa ng masa.
Nakakuha ang “LOL” ng 816K Average Minute Rating (AMR) noong Enero, 2021, pinakamataas na nakuha ng programa laban sa “Showtime” na nakakuha lang ng 559K sa parehong buwan base na rin sa Nielsen Arianna PHINTAM Individuals survey (March 14-23).
Maraming pakulo at papremyo ang “LOL” tulad ng H.O.P.E na literal na nagbibigay pag-asa sa mga nag-break na magjowa. Ang nakaaaliw na singing competition na KanTrabaho. Winner din ang makulay na Drag Queendom na isang lipsync contest.
Panalo rin sa saya at limpak-limpak na papremyo ang puwedeng maiuwi ng contestant sa Pera-Usog. Marami rin natutulungan ang wish granting segment nila na Sagot Mo, Sagot Ko with Daddy Bills na talaga namang inaabangan ng mga LOL-kada.
Samantala, napapanood ang “LOL” Lunes hanggang Sabado ng tanghali mula sa Brightlight Productions.
Kaya ‘yung kumakalat na balita na matsutsugi na ang “LOL” at papalitan ng “Showtime” ay parang malabo yatang mangyari.
* * *
Sa panahon ng walang kasiguruhan lalo na ngayong nasa ikalawang season na tayo ng enhanced community quarantine ay mahirap makahanap ng pag-asa at inspirasyon sa araw-araw.
Mabuti na lang at naglabas ang ABS-CBN ng inspirational series na “Huwag Kang Mangamba” sa pangunguna nina Andrea Brillantes, Seth Fedelin, Kyle Echarri at Francine Diaz na sinamahan naman ng mahuhusay na aktor at aktres.
Ang ilan sa mga mahahalagang aral sa serye na napapanahon ngayong COVID-19 pandemic ay:
Laging nandiyan ang Diyos. Sa kabila ng pagkabulag at paghihirap ni Mira (Andrea), nanatiling matatag ang loob niya dahil sa paniniwala niya sa Diyos Dahil dito, naniniwala siyang kaya niyang harapin ang anumang laban sa buhay basta’t nagtitiwala siya kay Bro.
Ipagpasalamat ang mga biyayang natatanggap, maging ang maliliit na bagay.
Kahit na lumaki siyang walang pamilya, hindi ito naging hadlang para kay Mira na magkaroon ng positibong pananaw sa buhay. Sa halip, mas tinitingnan at pinapasalamatan nito ang mga taong tunay na kumakalinga at nagmamahal sa kanya, tulad na lamang ni Ate Barang (Sylvia Sanchez).
Laging nangingibabaw ang kabutihan. Sa kabila ng pang-aabuso at pagtataboy sa kanya ng kanyang pamilya, may kabutihan pa rin sa puso ni Joy (Francine). Pinipili pa rin niyang maging isang mabuting tao kahit na nahihirapan siyang makisama sa iba, habang ipinapakita naman nina Mira, Father Seb (Enchong Dee), at Darling (Angeline Quinto) ang pagmamalasakit para sa kanya.
Mahalaga ang pagmamahal para sa pamilya. Makikita ang kahalagahan ng pamilya sa mga sakripisyo ng tatay ni Pio (Seth Fedelin) para mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya pati na rin kay Deborah (Eula Valdes), na gagawin ang lahat para maprotektahan ang mga mahal sa buhay. Kahit naman hindi magkadugo sina Mira at Ate Barang, mag-ina na ang turingan nila dahil sa pagmamahal at pag-aalaga nila sa isa’t isa.
Subaybayan ang mahahalagang aral na mapupulot sa “Huwag Kang Mangamba” gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, Kapamilya Online Live, iWantTFC, WeTV, at iflix. Para sa viewers sa labas ng Pilipinas, mapapanood ito sa The Filipino Channel sa cable at IPTV.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.