Para kay Anne Barretto, kuwento ng inspirasyon ang pag-usbong ng mga babaeng CEO
MAKIKITA ngayon sa mga SME (small and medium enterprises) ang pag-usbong ng mga babaeng CEO, at mabilis silang dumarami. Para kay Anne Barretto, na may tagumpay na mga negosyo, inspirasyon ang ugat ng pangyayaring ito.
“Lalo na sa online, nakikita nila kasi na puro mga babae, mga nanay na talaga ang nagbi-business eh. Nai-inspire po siguro sila kagaya ng sa experience ko, na-inspire po sila na from nothing bakit nagagawa ng iba,” sinabi ni Barretto sa Inquirer sa isang panayam sa Cloud Studios events hall sa Quezon City noong Marso 19 kung saan inilunsad ang Pink ‘N Classy clothing line sa ilalim ng Hey Pretty brand niya.
Nagsimula sa pagtitinda ng kung ano-ano noong kabataan niya hanggang sa online selling, itinayo niya ang kasalukuyan niyang negosyo mula sa isang Hey Pretty Aesthetics clinic.
Aminadong “kikay,” nakita ni Barretto na natural lang ang pagsabak niya sa fashion. “Iyong pagiging mahilig ko sa pagpapaganda, iyong fashion isa rin iyon sa hilig ko. Meron akong in-house designer.
“Na-notice ko na tuwing nagpapagawa ako maraming nagsasabi ‘Ms. Anne ang ganda naman ng dress mo.’ Why not, since ito na ang lifestyle ko, gawin ko na lang kaya siyang business? Lahat ng pagkakakitaan talagang tine-take advantage ko na,” ibinahagi niya.
“Siyempre ang mga CEO na kagaya ko ini-inspire din po namin ang mga tao na nagsimula sa wala na posible, kaya ring maging successful. Siguro iyon po iyong isang bagay na talagang nakaka-help po sa ibang kapwa kababaihan na wala, na kaya ko rin ito kasi na-inspire ako sa isang CEO,” pagpapatuloy pa niya.
At dahil nga napakarami na ng mga CEO na may maliliit na negosyo, sinabi niya, “kung gusto talaga ng tao na magnegosyo, bakit natin sila pipigilan? Lahat naman tayo nagsisimula sa maliit.” Ngunit pinayuhan din niya ang mga babae na alamin ang pasikot-sikot ng pagnenegosyo bago ito pasukin.
“Ito ang nagiging issue minsan, papasok sila sa iyo, mag-iinvest sila sa iyo, then after no’n hindi pala kaya ang pressure, bibitawan na lang nila. Kailangan aralin at mahalin mo,” ibinahagi niya. “Kaya siguro naging successful ang business ko kasi hindi ako basta pumapasok lang pagkatapos aalis na. Talagang inaaral ko po talaga. Tulad nitong cothing line ko po, it took years bago ako nag-decide na ‘a magko-clothing line ako,’” ani Barretto.
At sa mga babaeng may pag-aalinlangan pa rin, ito ang sinabi niya: “Huwag silang panghinaan ng loob kasi talagang kalaban kapag nagnenegosyo ang sarili natin eh. Minsan kasi iniisip natin baka hindi ko kaya ang ginagawa nila. Kung ako nag-start from nothing kaya rin po nila.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.