Iñaki Torres balik-BL sa ‘Forever Yours’ | Bandera

Iñaki Torres balik-BL sa ‘Forever Yours’

Armin P. Adina |March 15,2023
facebook
share this

Iñaki Torres balik-BL sa ‘Forever Yours’

Armin P. Adina - March 15, 2023 - 02:54 PM

Kasama ni Iñaki Torres (gitna) sa ‘Forever Yours’ sina Eurwin Canzana (kaliwa) at Ely Cellan

Kasama ni Iñaki Torres (gitna) sa ‘Forever Yours’ sina Eurwin Canzana (kaliwa) at Ely Cellan./ARMIN P. ADINA

 

BUMANDERA si Iñaki Torres sa “BL” (boys love) digital series na “My Day” noong 2020, na sinubaybayan hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa rin. Makaraan ang tatlong taon, nagbabalik-BL ang Pilipinong aktor na hindi lang isa, kundi dalawa ang makakasabayan sa pag-arte.

Kasama niya upang buuin ang trio sina Eurwin Canzana na napanood sa mga seryeng “Your Home” at “Rainbow Prince” noong 2020 at 2021, at Ely Cellan na bumida sa pelikulang “Pagbigyang Muli” noong 2021.

Sinamahan nilang tatlo ang iba pang mga aktor at aktres na paglulunsad sa serye sa isang bahagi ng palatuntunang “2023 Kickstart” ng Prime Event Productions Philippines (PEPPS) Foundation Inc. sa Winford Manila Resort and Casino sa Maynila noong Peb. 28.

Si PEPPS Pres. Carlo Morris Galang din ang magiging direktor ng serye. Sinabi niyang dumating na ang takdang panahon upang muling mapanood si Torres sa isang BL series. At dahil sa pagluluwag ng protocol kaugnay ng paggawa ng mga palabas, higit nang magiging madali para sa pangkat niya na gawin ang “Forever Yours” kung ihahambing sa unang palabas ng aktor.

Ibang Torres ang mapapanood sa bagong serye sapagkat sasailalim siya sa isang “makeunder” para sa “Forever Yours.” Makaraan ang papogi niyang pagganap bilang si Ace sa una niyang serye, matatabunan na ng braces ang dati niyang mapanghalinang ngiti.

Maliban sa dental braces, magsusuot din siya ng malaking salamin, gagawan ng kakatwang ayos ng buhok, at lalagyan pa ng mga taghiyawat sa mukha upang mabuo ang transpormasyon niya. “Pinakamahirap po talaga iyong pagsuot ko ng prosthetics sa ngipin, mahirap magsalita,” paglalahad niya.

Sinabi naman ni Kristel Galang, isang supporting cast member, may mga aral din ang “Forever Yours,” at isa ang kamulatan sa HIV/AIDS sa isusulong nito. Dinagdag pa niya, “usually we have two good-looking protagonists, now one is ‘facially challenged.’”

Nagsimula na ngayong buwan ang produksyon para sa “Forever Yours,” at inaasahang mapapanood ito sa PEPPS TV YouTube channel ngayong taong ito rin.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending