Aiko: Hindi ako umaasa sa Hollywood, masaya at kuntento naman ako kung anong meron ako dito sa Pinas
By: Reggee Bonoan
- 2 years ago
Aiko Melendez at Ogie Diaz
LAHAT ng naging talent manager ni Konsehala Aiko Melendez ay kanyang pinasasalamatan dahil ang katwiran niya, ang mga ito ay naging bahagi na rin ng kanyang buhay at career.
Kabilang sa mga naging manager ng aktres at politiko ay ang mga namayapang sina Douglas Quijano at Wyngard Tracy na sinundan nina Boy Abunda at Arnold Vegafria.
Katwiran ni Konsi Aiko, “Kasi kung hindi din naman sa kanila na naging instrument sa karera ko walang Aiko Melendez.”
Ito ang naikuwento ng konsehala ng 5th District ng Quezon City sa kanyang latest vlog na in-upload nitong Linggo ng gabi kasama ang special guest niyang si Ogie Diaz na namamahala na ngayon sa karera niya.
Matagal nang magkaibigan sina Konsi Aiko at Ogie nang magkakilala sila sa sitcom ng ABS-CBN na “Palibhasa Lalake” kung saan isa ang huli sa cast.
Hanggang sa lumipas ang mahabang panahon ay nagsilbing consultant ng aktres si Ogie para sa kanyang mga project na ini-offer sa kanya.
Two years ago ay inalok ni Aiko ang sarili na i-manage ni Ogie, “Sabi ko, Mader (tawag kay Ogie) bakit ba ayaw mo na akong i-handle ulit (nagsimula bulang consultant).”
Ang paliwanag ni Ogie, “Kasi nako-conscious ako na una tayong naging magkaibigan tapos papasukan natin ng trabaho, parang traumatized ako sa ganu’n.
“Alam mo naman dati na mayroon akong ganu’n na bestfriend ako, kasama sa negosyo, nasira ang negosyo (at) nagkasira tuloy kami parang ayaw ko na,” aniya pa.
Kahit pagdating din sa kaanak ni Ogie ay umiiwas siyang i-handle sila at pinapayuhan niyang sa iba na lang para hindi masira ang kanilang pagiging magkamag-anak.
Balik-tanong ni Konsi Aiko kay Ogie, “What made you finally say yes to me?”
“Siguro dahil sa lalim na rin ng pagkakaibigan natin dahil alam na natin kung ano ang likaw ng bituka ng isa’t isa, wala na tayong dapat malaman pa sa isa’t isa kundi kilala mo ‘yung ugali ko, kilala ko ‘yung ugali mo, kilala ko ‘yung tantrums mo (at) gayun din naman ako.
“Hindi na mahirap kasi mas challenging pa kung bagong tao kasi kailangan mo silang kilalanin,” pahayag ng kilalang talent manager na dating humawak sa karera nina Vice Ganda, Liza Soberano at iba pa.
Dagdag pa na kung tatanggap ulit siya ng talent ay hihingan niya ng psychiatric evaluation para malaman kung may mental health problem lalo’t dumaan tayo sa pandemya.
Sinang-ayunan ito ng aktres-politiko, “Dahil dumaan tayo sa stage ng buhay natin na ang mental health natin ay napaka-importante.”
Naalala pa nito na kapag may gagawing proyekto si Aiko ay iisa ang laging tanong ni Ogie, “Kumportable ka ba, okay ka ba rito (role). ‘Yun ang dalawang words na kailangan mong tanungin sa talent mo, hindi ‘yung gawin mo ito!”
Samantala, pagkatapos ng pirmahan nina Ogie at Konsi Aiko ng five years contract ay natanong namin ng hypothetical question ang huli kung sakaling may imbitasyon sa kanyang mag-audition sa Hollywood ay iga-grab ba niya.
“Hindi ako umaasa sa pang-Hollywood ako kasi masaya naman at kuntento sa kung ano meron ako sa Pinas, baka mapansin sa acting na lang habol ko. Ha-hahaha!” katwiran ng aktres.
At kahit abala siya sa pagiging public servant ay magagawan niya ng paraan ang pag-arte, “Lahat naman ng bagay kayang ayusin kung gusto, time management lang.”
Muli naming ibinalik ang tanong kung may mag-imbita sa kanyang mag-audition at lilipad siya sa ibang bansa. “Hindi ko tatangapin kasi priority ko ang public service!” diin ng aktres.
Sabi pa ni Aiko, “Kasi ang pag-aartista at public service dito sa Pinas priority ko, not doon. Tsaka alam ko mas love ako ng mga Pinoy kesa doon. Sa totoo lang tayo bat pa ako susugal dun kung okay naman ako dito. Mahal pa naman ako ng Pinoy, di ba?”