PROMISING at all-out sa talento ang pinakabagong Pinoy pop girl group na ipinakilala ng Sony Music Entertainment.
Sila ang grupong ‘Yara’ na binubuo ng apat na miyembro na sina Gelou, Rocher, Christa at Kim.
Ang kanilang official launching ay naganap sa pamamagitan ng isang media conference nitong March 10.
Punong-puno ng sorpresa ang grupo dahil bukod sa humarap sila sa media ay inilabas na nila ang debut single na “ADDA” at nagkaroon pa ng intimate concert para sa kanilang fans.
Nasaksihan mismo ng BANDERA ang kanilang first-ever live performance bilang official P-Pop group ng nasabing music label at masasabi naming mala-Blackpink o 2NE1 ang kanilang awra.
At siyempre, bilang bago sa mundo ng P-pop, hindi nagpahuli ang BANDERA na magkaroon ng exclusive interview with ‘Yara’ upang lalo pa silang kilalanin.
Gaya ng nabanggit, may apat na miyembro ang ‘Yara’ at narito ang kanilang mga pangalan at role sa kanilang grupo:
- Gelou: Leader/Main Dancer/Lead Vocal
- Rocher: Visual/Lead Rapper
- Christa: Main Rapper/Lead Dancer
- Kim: Main Vocal/Lead Rapper
Para sa kaalaman ng marami, ang “Yara” ay mula sa salitang Arabic na ang ibig sabihin ay “small butterfly” na sabi ng mga miyembro ay tumutugma sa kanilang katangian at goal bilang isang grupo.
“‘From Arabic origin which is ‘small butterfly’ and ayun po, nakikita namin ang sarili namin as small butterfly which brings hope and free,” sey ni Kim.
“Ang coincident nga ng ‘Yara’ kasi ang meaning ng Yara which is small butterfly ay sobrang match made in heaven,” dagdag pa niya.
Ayon sa grupo, anim na taon na silang magkakilala at nagsimula raw ‘yan noong nagte-training pa lang sila sa entertainment company na ShowBT Philippines.
Ito rin ang kumpanya na nag-train sa sikat na P-Pop boyband na SB19.
Kwento ni Rocher, “Actually, sa ShowBT po kaming lahat nagkakilala.”
“Silang tatlo po, nasa parang K-Pop community na nagco-cover dance, ganyan. Tapos parang from there, may mga common friends sila na mag-audition. siya may common friends na nag-invite sa ShowBT para sa cover dance contest. Then si Kim po na-scout po sa Korean event. Then ako po, ininvite na mag-audition for ShowBT and then from there, doon po kami nagkakilala and nabuo ‘yung group,” patuloy niya.
Dagdag naman ni Christa, “Actually, magkakakilala na kami since 2017 pa, so we come along way. We’ve trained together. We’ve become super close friends.”
Ibinunyag din ng grupo na iba-iba ang naging inspirasyon nila sa paggawa ng musika at ilan sa may pinakamalaking impluwensiya sa kanila ay ang Pinoy rappers na sina Gloc 9, Smugglaz, Shanti Dope, at marami pang iba.
Nang tanungin naman namin sila kung sino ang gusto nilang maka-collaborate.
Sabay-sabay nilang sinabi, ang award-winning Pinoy rapper na si Gloc 9.
Kwento ni Gelou, “Gloc 9 po talaga. Kasi parang ‘yung isang kanta niya rin pinerform namin sa Popinoy nung parang first round ng Popinoy which is ‘Sumayaw Ka’ in a way na nakilala din kami ng tao dahil sa rapping style ng all girls.”
Tsaka parang na-enjoy namin talaga ‘yung music niya. ‘Yung lyrics and everything. As I’ve said earlier, parang feeling namin napakarami naming matututunan sa kanya pag nag-work kami with him,” saad pa niya.
Pahabol na sagot naman ni Rocher, “Tapos parang ‘yung mga bara niya parang hindi lang siya tiping mag-aanga lang. May story din talaga siya na nakaka-relate ang mga tao.”
Bukod sa inilabas na single, marami pang dapat abangan na proyekto mula sa Yara.
At isa na raw riyan ang kanilang special performance sa upcoming concert ng OPM singer na si Moira Dela Torre na mangyayari sa Cebu sa Mayo.
“We’re gonna be one of the guests for Moira’s concert in Cebu happening on May 1,” sey ng Yara.
Related Chika:
TV5, Kumu, Cornerstone sanib-pwersa para sa ‘Top Class: The Rise to P-Pop Stardom’