Ken Chan hindi nagalit nang malamang pang-apat silang pamilya ng ama: ‘Parang na-excite pa ako nang ipagtapat niya’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Ken Chan
HINDI nakaramdam ng galit o pagkasuklam ang Kapuso actor na si Ken Chan nang malamang may iba pa palang pamilya ang kanyang tatay bukod sa kanila.
Buong-pusong tinanggap ni Ken sa kanyang isip at puso na pang-apat lang sila sa pamilya ng ama at never daw siyang nagtanim ng galit sa kabila ng mga pangyayari.
Nagkuwento ang binata sa isang episode ng digital show na “Just In” hosted by Paolo Contis tungkol sa naging relasyon niya sa kanyang ama at kung paano nga niya nalaman ang katotohanan.
Aniya, taong 2019 lang nila nalamang may iba pa palang mga pamilya ang tatay niya.
“Nu’ng nalaman ko yun, hindi ko alam bakit, hindi ko nagawang umiyak at malungkot. Na-excite pa nga ako.
“May mga kapatid pala ako. Kasi masaya kung maraming kapatid. Pero para sa nanay ko, masakit yun,” pagbabahagi ng aktor.
May duda na raw siya noon tungkol dito dahil habang lumalaki siya ay once a week lang umuuwi sa kanila ang ama, “Nakakaramdam na ako, e. Hindi ko lang alam kung gaano kadetalyado o ano yung mali. Pero alam kong merong iba.
“Lalo na nag-high school ako, nag-college ako. Hindi ko lang kayang aminin sa sarili ko kaya siguro hindi ako nakaramdam ng galit. Kasi noon pa man, alam ko na.
“Ako kasi ang breadwinner sa pamilya namin. So, hindi ko puwedeng ipakita yung weakness o yung lungkot. Pero honestly, hindi talaga ako nalungkot, e,” pag-amin ng Kapuso actor.
Nakakausap na raw ngayon ni Ken ang mga kapatid niya sa ama, “Tinata-try namin na kilalanin ang isa’t isa. Pero hindi rin ganu’n kadalas na kami magkita-kita.”
Pagbabahagi pa ni Ken, “Siguro, I’m trying to be positive in every situation. I’m trying to be happy in a simplest way. Ang iniisip ko, pinili ng tatay ko yung kabila, hindi dahil sa mas mahal niya yun kundi mas kailangan siya du’n.”
Pero siyempre, masakit sa kanyang ina ang nangyari, “Si Mama, dumating sa point na kailangan niyang mag-psychiatrist sa sobrang lungkot at sa sobrang devastated, anxiety, lahat, sa nangyari.
“Pero she’s doing great now. Puro TikTok lang siya nang TikTok. At meron siyang bagong laptop,” sabi ni Ken.
Samantala, naibahagi rin ni Ken kay Paolo na nagkaroon ng matinding karamdaman noon ang kanyang ama. Kinailangan nitong magpa-kidney transplant na sinabayan pa ng pagkakaroon ng cancer sa esophagus.
Ito yung mga panahong halos hindi na siya magpahinga sa pagtatrabaho para sa pagpapagamot ng ama hanggang sa maging cancer-free na ito.
Paggaling ng tatay niya ay saka nga nito ipinagtapat ang tungkol sa iba pa niyang pamilya.