Juday umiyak nang bongga nang mapurnada ang pagganap na sirena sa ‘Dyesebel’
INIYAKAN nang bonggang-bongga ng Soap Opera Queen na si Judy Ann Santos nang malamang hindi pala siya gaganap na sirena sa pelikulang “Dyesebel.”
Inamin ni Juday na bata pa lang ay talagang pangarap na niya ang gumanap na mermaid sa movie, gustung-gusto raw kasi niya ang magkaroon ng buntot habang lumalangoy sa dagat.
Binalikan ng Kapamilya actress-TV host yung panahong napasama siya sa pelikulang “Dyesebel” na pinagbidahan noon ni Alice Dixson. Ang tantiya ni Juday, mga walong taong gulang siya noon.
“Ang kwento niyan, kaya ko gusto magsirena nu’ng bata ako, nu’ng ginagawa namin ‘yung ‘Dyesebel’ ni Alice Dixson, sinukatan ako ng buntot. Ilang taon lang ako noon, kaedad ko lang siguro si Lucho (anak nila ni Ryan Agoncillo), mga eight years old,” simulang kuwento ng aktres sa online chikahan nila ni G3 San Diego na mapapanood sa YouTube.
Patuloy pang chika ni Judy Ann, “Sinukatan ako ng buntot kasi magiging sirena daw ako sa huli. Siyempre bilang bata, excited ka.
“‘Yun pala sinukatan lang ako kasi hindi nila masukatan ‘yung little Dyesebel ng buntot kaya ako ‘yung ginamit nila,” sey pa ng misis ni Ryan.
Inamin ni Juday na talagang iyak siya nang iyak nang malamang hindi pala siya magiging sirena sa pelikula, pero natapos naman daw niya ang shooting ng “Dyesebel.”
Samantala, bukod sa pagganap na sirena isa pa sa dream role noon ni Juday ay gumanap sa karakter na may multiple personality disorder.
“Ang tagal na naming pinag-uusapan, a decade ago. May pinanood pa ako na movie noon. Sabi ko very challenging,” aniya pa.
Hanggang sa ialok nga sa kanya nina Coco Martin ang isang guest role sa “FPJ’s Ang Probinsyano” na ganu’n ang takbo ng karakter at kuwento.
“Nu’ng ginawa ko ‘yun, sinabi ko sa sarili ko na quota na ako. ‘Parang quota na ako dito Coco, okay na ako. Nagawa ko na lahat.’
“Ang dami kasing nag-e-evolve na characters along the way and these are characters na hindi mo nakikita sa isang storya na pwedeng pang teleserye,” sabi pa ng aktres.
At sa tanong kung may naiisip pa siyang role na nais pa niyang gampanan, “Alam mo, wala akong maisip na role simply because napakaraming mahuhusay na writers who can really come up with characters na hindi mo naisip totally. Ako nandoon ako sa ano kaya ‘yung pwede ko pang magawa na hindi ko nakikita na pwedeng gawing character ng mga writers,” she said.
“Ako naman, basta kaya ng puso ko, magagawa ko iyan. Pero kapag may gut feel ako na hindi ko maitatawid ng maayos, masasayang lang ‘yung kabuuan ng proyekto, hindi ko siya matatanggap,” sabi pa ng award-winning Kapamilya actress.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.