Liza Soberano inatake ng matinding takot nang ma-red tag; mas naging maingat sa pakikialam sa politika
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Liza Soberano
MATINDING takot at pangamba ang naramdaman ng controversial actress na si Liza Soberano noong ma-red tag siya sa pamamagitan ng social media.
Ito ang dahilan kung bakit naging limitado na ang pagsasalita at paglalabas ng saloobin ng girlfriend ni Enrique Gil tungkol sa mga political issues, lalo na noong kasagsagan ng May, 2022 elections.
Kinailangan pang maglabas ng official statement ang kampo ni Liza nu’ng mga panahong yun sa pamamagitan ng kanyang legal counsel upang malinis ang pangalan niya.
Matatandaang nagsimula ito nang magsalita si Liza taong 2020 sa isang webinar ng women’s rights group na Gabriela na may paksang “Tinig ni Nene: Reclaiming Our Voice on the International Day of the Girl Child.”
Matapang na nanawagan ang aktres sa nasabing event para sugpuin at labanan ang mga pang-aabuso sa kabataan at kababaihan hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa iba’t ibang panig ng mundo.
“As a woman, as a Filipino artist, I think that women and influencers alike should start speaking up.
“They can contribute not only awareness about these issues, but also encouragement and confidence to our fellow women and children, that they need to learn to stand up for themselves,” ang mensahe ng aktres.
At dahil nga rito, nagpahayag si Lt. Gen. Antonio Parlade, Jr. sa pamamagitan ng social media account ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) patungkol kay Liza.
“Let us not red-tag Liza Soberano. It’s not fair to her. She is merely supporting advocacy for women’s rights. She has to be protected in the exercise of her rights.
“Is she an NPA? No, of course not. Not yet. So let’s help educate her and the other celebrity targets of Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA), the Underground Mass Organization hiding under Gabriela Women’s Party,” ang pahayag noon ng nasabing military official.
Sa bagong vlog ng Kapuso actress na si Bea Alonzo ay napag-usapan nga ang tungkol sa pangre-red tag noon kay Liza at aminado siya na talagang grabe ang takot na naramadaman niya that time.
“I honestly got very scared of that. Napansin ng mga tao na naging less vocal ako especially when it comes to politics,” pahayag ni Liza.
“I know the brave thing would have been like to continue doing that but right now more than anything I have to educate myself first on these issues before I speak up,” aniya pa.
Lantarang sinuportahan ni Liza last elections ang kandidatura ni dating Vice President Leni Robredo sa pagkapresidente last year.