ISANG makasaysayang sports event ang masasaksihan ngayon sa pagsasagawa ng kauna-unahang NBA game sa Pilipinas.
Ang NBA Global Games Philippines 2013, na katatampukan ng Houston Rockets at Indiana Pacers, ay gaganapin mamayang alas-7 ng gabi sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Inaasahan na magiging kapanapanabik ang NBA preseason game na ito sa bansa dahil sa paglalaro ng ilan sa mga pinakasikat na manlalaro mula sa pinakapremyadong basketball league sa mundo.
Ang Rockets ay pangungunahan ng mga NBA All-Star players na sina Dwight Howard at James Harden. Si Howard, isa sa mga inabangang free agents ngayong taon, ay lumipat sa Rockets matapos ang isang season na paglalaro sa Los Angeles Lakers.
Ang three-time Defensive Player of the Year at All-NBA team member ay isa rin sa pinakamahusay na sentrong naglalaro ngayon sa liga.
Ang dating Sixth Man of the Year awardee na si Harden ay isa naman sa pinakamatinding scorers ngayon sa NBA.
Sina Howard at Harden ay susuportahan nina Jeremy Lin, Chandler Parsons, Omer Asik, Patrick Beverley at Marcus Camby.
Ang Pacers ay pamumunuan naman ng mga dating All-Stars na sina David West, Danny Granger, Roy Hibbert at Paul George.
Makakatuwang naman nila sina George Hill, Lance Stephenson, Luis Scola, C.J. Watson, Ian Mahinmi at dating Barangay Ginebra Kings import Donald Sloan.
Matapos ang laro ngayong gabi ay lilipad naman ang Rockets at Pacers sa Taipei, Taiwan para sa isa pang preseason game na gaganapin sa Taipei Arena sa Linggo, Oktubre 13.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.