HINDI napigil ni Nanay Cristy Fermin ang hindi magbigay ng komento sa “This is Me” vlog ni Liza Soberano na mainit na pinag-uusapan ngayon sa apat na sulok ng showbiz.
Anak ang turing ni ‘Nay Cristy sa dating manager ni Liza na si Ogie Diaz dahil siya ang dahilan kung paano nakilala ang huli sa showbiz industry.
Nagsimulang umalalay si Ogie sa veteran columnist hanggang sa nabigyan ng tsansang magsulat sa Mariposa Publications na sa kalaunan ay naging editor at naging bahagi ng showbiz programs sa ABS-CBN.
Sobrang proud si ‘Nay Cristy sa narating ng anak-anakan niyang si Ogie kaya naman sa bawa’t bagyong dumating ay nandoon siya sa tabi nito tulad ngayon na naglabas ng saloobin niya si Liza patungkol sa dating manager.
Sa “Cristy Ferminute” radio program nina ‘Nay Cristy at Romel Chika na napakinggan sa Radyo Singko 92.3 News FM kahapon, Lunes, ay talagang inisa-isa nitong sagutin ang mga sinabi ni Liza.
Una na nga rito ang sinabi ng aktres na sa loob ng 13 years niyang pagtatrabaho ay nawalan siya ng kontrol para sa sarili dahil naging sunud-sunuran siya sa mga taong nasa likod ng kanyang karera na ikinasikat naman niya.
Simula ng batikang kolumnista at host, “Sa maraming sultada po ng Cristy Ferminute at ng Showbiz Now Na isa lang po ang lagi nating sinasabi, nakapanghihinayang na iniwanan po ni Liza Soberano ang kanyang magandang karera dito sa Pilipinas para po pumayag siyang magpahawak kay James Reid sa kanyang produksyon, di ba Romel?”
Sinang-ayunan naman ito ni Romel Chika na nagsabing sana nga ay hindi siya sumama kay James Reid.
Sa pagpapatuloy ni ‘Nay Cristy, “Ito po ‘yun kahit anong bali-baligtad pa ang mga dahilan at katwiran ang ibigay, kahit anong pagtatago lalabas at lalabas din po ang katotohanan kung bakit. Napanood po namin nang paulit-ulit ang vlog ni Liza Soberano kahapon, Lunes. Alam mo Romel ako’y nalulungkot hindi ako nagagalit, nalulungkot ako para kay Liza.
“Sa kasaysayan po ng pelikula nagkaroon po tayo ng Superstar Nora Aunor, nagkaroon po tayo ng Star for All Seasons, Vilma Santos, meron po tayong Megastar Sharon Cuneta, meron po tayong Diamond Star Maricel Soriano at iba pang personalidad na naabot ang kanilang mga pangarap.
“Never po tayong nakarinig ng anumang salita sa mga binanggit naming artista na noong sila po ay nagsimula sa pagharap sa kamera na sila ay ninakawan ng sariling personalidad, ng kanilang kaligayahan, ng kanilang pagkatao, ng kanilang kalayaan.
“Puro pagpapahalaga po sa kanilang karera ang ating narinig, nabasa at napanood. Bukod tanging itong Liza Soberano na ito ang nagsabi ng puro reklamo! Puro reklamo!
“Isipin mo i-vlog na noong siya raw po ay nag-artista alalahanin daw po natin na 16 years old palang siya, e, umaarte na raw siya at 25 na siya at ang sabi niya ay ninakawan siya ng freedom, ng happiness, ng childhood, at sabi pa niya, ‘I earned the right to me be.’
“At ngayon daw ay siguro naman maintindihan natin na mayroon na siyang maging karapatan na maging siya,” sabi ni Nay Cristy.
Binanggit ng “CFM” host ang mga reklamo ni Liza na tatlong direktor lang ang naka-work niya, iisa lang ang leading man at paulit-ulit na tema ng mga karakter niya at iba pa. Kung may hindi siya gusto ay sa manager niyang si Ogie siya nagsasabi at inaayos naman ito ng huli.
Sabi pa ni Nanay Cristy, “Nakakalungkot ka Liza Soberano, napakaraming artista sa kasaysayan ng pelikula at telebisyon na nagtagumpay na pinahalagahan ang kanilang ginagawa.
“Nine years old ang Star for All Seasons, Vilma Santos nang magsimula sa Trudis Liit, unang humawak ng mikropono si Sharon Cuneta para i-record ang Mr. DJ dose anyos! Hindi kailangan ng pera ni Sharon dahil ipinanganak siyang may gintong kutsara sa bibig pero naringgan ba natin sila?
“Kahit si Nora Aunor wala tayong narinig na ‘e, kasi ganito, e, kasi ‘yan lang ang proyektong ibinigay sa akin, inalisan ako ng karapatan na maging ako, tapos ngayon sasabihin mo, ngayon mo palang nae-enjoy ang buhay mo bilang ikaw si Hope Elizabeth.
“Walang utang na loob ang batang ito! Ito pala ang dahilan kung bakit ka umalis ng Pilipinas. Gagawin mo pang sangkalan ‘yang Hollywood na butas ng karayom ang lulusutan mo bago ka makapasok. Gagawin mo pang katwiran ang kung anu-anong blah-blah!
“Eto lang pala! Ayaw mo pala ‘yung mga pinagagawa sa ‘yo ng Star Cinema, ng ABS (CBN), ayaw mo pala ‘yung pamamalakad ng manager mo, ayaw mo pala lahat ‘yun? Binura mon a pala lahat ‘yun sa pagkatao mo bilang artista.
“Wala kang utang na loob, hindi ka Pilipino! Tamang-tama lang na ang citizenship mo ay Amerikano ka pa rin hanggang ngayon!” dire-diretsong litanya ni ‘Nay Cristy.
Opinyon naman ni Romel Chika kung gusto ni Liza na mag-rebranding ay sana hindi na lang siya nag-ungkat ng mga nakaraan.
Dagdag pa ni Nanay Cristy Fermin na umuwi ng Pilipinas si Liza sumama sa tatay niyang Filipino at iniwan ang nanay niyang Amerikana dahil sa pangarap niyang maging artista para maahon sa kahirapan ang pamilya niya na nangyari naman dahil nga nabilhan niya ng sariling bahay at lupa ang ama dito at lola’t lolo sa US dahil sila ang kumupkop sa kanila ng kapatid niyang si Justin na doon din nakatira ang kanyang ina at iba pa nitong anak.
Bukas ang BANDERA sa panig ni Liza o ng management company niyang Careless tungkol sa isyung ito.
Related Chika:
Liza ibinandera ang mga ‘ganap’ sa buhay, sey sa bagong career: I’m finally taking control of my life
Ogie Diaz may sama ba ng loob sa mga dating alagang sina Vice Ganda at Liza Soberano?
Willie Revillame malaki raw ang nawala ayon kay Cristy Fermin: Sobrang napakalaki po bilang tao