MAHIGIT isang linggo pa lang mula nang ilabas ang 40 kandidatang magtatagisan ngayong taon, isa pang kalahok ang ipinakilala ng Miss Universe Philippines pageant na idaragdag sa hanay, si Kristeen Mae Boccang na magiging kinatawan ng lalawigan ng Apayao.
Ngunit hindi ibig sabihin ay 41 dilag na ang sasabak sa 2023 Miss Universe Philippines pageant. Nagkaraoon ng bagong kandidata sapagkat umatras na si Evangeline Fuentes mula sa patimpalak.
Sa isang social media post ni Michelle Joy Padayhag, na nagpakilala bilang opisyal na tagapagsalita ni Fuentes, sinabi niyang hindi na ipagpapatuloy ng kandidata ang “[Miss] Universe Philippines 2023 journey” niya makaraang matuklasan ang isang “health condition that shouldn’t be ignored.”
Pagpapatuloy pa ng pahayag: “The decision might be tough but we have to follow the doctor’s advice for Ms. Fuentes’ well-being and recovery.”
Pinasalamatan naman ni Padayhag ang national pageant organization, ang pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan at mga local government unit sa lalawigan, maging ang mga taga-suporta ni Fuentes sa pirbadong sektor at kaniyang pamilya at mga kaibigan “for the overwhelming support.”
Sinabi naman ng Miss Universe Philippines organization, “in light of the withdrawal of Ms. Evangeline Fuentes (Pangasinan) due to health reasons, Kristeen will be representing the beautiful province of Apayao for Miss Universe Philippines 2023!”
Ito ang ikaapat na edisyon ng pambansang patimpalak na pumipili sa kinatawan ng Pilipinas sa Miss Universe competition. Si Rabiya Mateo ang unang nakasungkit ng korona at nagtapos siya sa Top 21 ng pandaigdigang patimpalak. Kinoronahan si Beatrice Luigi Gomez noong 2021, at nagtapos siya sa Top 5 ng 2021 Miss Universe pageant.
Isasalin ni reigning queen Celeste Cortesi ang titulo bilang Miss Universe Philippines sa kaniyang tagapagmana, na babandera sa 2023 Miss Universe pageant sa El Salvador.