Darryl Yap achieved na achieved ang misyon sa ‘Martyr or Murderer’; Aga Muhlach gaganap na Bongbong Marcos sa part 3
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Aga Muhlach, Darryl Yap at Imee Marcos
BUKAS na, March 1, ang showing ng pinag-uusapan at pinakabagong kontrobersyal na pelikula ni Darryl Yap, ang part 2 ng “Maid in Malacañang” na “Martyr or Murderer.”
Kagabi ginanap ang bonggang premiere night nito sa SM The Block Cinema 1, 2 and three at isa nga ang BANDERA sa naimbitahan para mapanood ang ipinagmamalaking obra ni Direk Darryl at ng kanyang Vincentiments at Viva Films.
Sa kanyang Facebook page, may ipinost si Darryl ng naging takbo ng usapan nila ng isang reporter tungkol sa kuwento ng “Martyr or Murderer”.
“Reporter: Ano po ang gusto nyo sanang pakiramdam ng manonood paglabas nila ng sinehan, pagkatapos nilang manood ng #MARTYRorMURDERER?
“Ako: Gusto kong maging malungkot sila, yung malungkot na parang hindi nila maintindihan saan galing—yung humanga sila sa pelikula pero nahiya sila sa kanilang sarili.
“Gusto kong makaramdam ang manonood ng hindi nila maipaliwanag, ng hindi nila maintindihan, na parang may mali—dahil malubha silang natamaan,” pagbabahagi ng batang filmmaker.
Kalakip nito ang black and white family photo ng pamilya Marcos, “Ang Larawang ito ay ang huling litratong kuha ng First Family sa hardin ng Malacañang Palace, bago maganap ang EDSA.
“Ito ang alam ng Publiko,
ang hindi natin alam noon ay malalaman na natin sa Unang araw ng Marso,” sabi niya sa caption.
In fairness, achieved na achieved naman ni Direk Darryl ang kanyang objective dahil halos lahat nga ng nanood sa premiere night ng “MoM” ay ganoon nga ang naramdaman.
At isa nga kami sa mga maswerteng nakapanood nito kagabi kasama ang iba pang members ng entertainment media at vloggers na halos iisa ang naging reaksyon matapos ang screening — “Grabe! Naiyak ako! Pasabog ang ending!”
Sinisiguro namin sa lahat ng mga nanood ng “Maid in Malacañang” na mas mawiwindang at mas marami pa kayong masasaksihang rebelasyon tungkol sa pamilya Marcos at kay dating Sen. Ninoy Aquino.
Siyempre hindi na namin sasabihin kung ano ang ending ng “MoM” na siya ngang magiging simula ng ikatlong bahagi ng Marcos movie ni Darryl Yap para naman may surprise factor din sa inyo.
Pero marami ang naghiyawan at pumalakpak nang bumandera sa screen ang mukha ng award-winning actor na gaganap na present Bongbong Marcos sa part 3 na pinamagatang “Mabuhay Aloha Mabuhay.”
Yes, yes, yes mga ka-Marites! Yan ay walang iba kundi ang asawa ni Charlene Gonzales na si Aga Muhlach! Siya nga ang napili ng Viva Entertainment na mag-portray bilang si Pangulong Bongbong Marcos sa susunod na pelikula ni Direk Darryl.
As expected, napakagaling pa rin nina Cesar Montano as Ferdinand Marcos, Ruffa Gutierrez as Imelda Marcos, Diego Loyzaga bilang young Bongbong Marcos, Cristine Reyes bilang Imee Marcos at Ella Cruz as Irene Marcos.
Winner ang death scene ni Cesar as the former president na talagang nagpaiyak sa mga manonood kung saan pinalakpakan din ang bonggang crying scene ni Cristine.
At tulad nga ng sinabi ni Direk Darryl sa presscon ng movie kamakailan, maikli man ang naging special participation ni Isko Moreno bilang Ninoy Aquino ay talaga namang nagmarka ito sa manonood.