ANG koponan na magtataglay ng “mental toughness” sa endgame ang siyang mananalo sa winner-take-all Game Three ng De La Salle Green Archers at Uuniversity of Santo Tomas Growling Tigers sa Sabado sa SM Mall of Asia Arena, Pasay City.
Nakauna ang UST sa Game One, 73-72, ngunit tumabla ang La Salle sa Game Two, 77-70, noong Sabado para umabot ang serye sa sukdulan.
“May adjustment kami ng kaunti. Kailangang ma-stop namin ang bigs nila, ang inside points, and second chance points nila sa Sabado,” wika ni Tigers coach Alfredo Jarencio.
‘‘Pero higit sa physical preparation, more on mental ang preparation namin kasi kung sino ang gustong manalo siya ang kukuha nito.”
Si Jarencio at La Salle mentor Juno Sauler ay naging bisita sa PSA Forum na ginawa kahapon sa PSC Athletes’ Lounge sa Rizal Memorial Sports Complex.
“I agree with coach Pido. Whoever performs better on the mental side will win the title,” pag-sang-ayon ni Sauler.
Sa Sabado pa lalaruin ang Game Three at napabor umano ito sa Tigers dahil pagod na ang mga kamador ng koponan, ayon kay Jarencio.
“Tatlong sunod na knockout games ang nilaro namin. Tapos hard-earned pa ang panalo sa Game One at medyo pagod na ang mga bata. Kaya welcome ito para sa amin,” ani Jarencio.
Matapos patalsikin sa huling laro ng elims ang five-time champion Ateneo Blue Eagles ay tinalo ng Tigers ang top seed National University Bulldogs ng dalawang sunod sa Final Four para marating ang Finals.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.