“SANA sa mga batang artista sa henerasyon ngayon, sana mayroong isang Coco Martin na magbibigay halaga sa mga senior o elder actors,” ito ang emosyonal na pahayag ng premyadong aktres na si Cherry Pie Picache sa nakaraang grand mediacon ng “FPJ’s Batang Quiapo”.
Nasambit ito ng beteranang aktres dahil nagpasalamat ang beteranong aktor na si Pen Medina kay Coco sa malaking tulong nito nang maoperahan siya sa spine.
Sabi ni Cherry Pie, “Sana kapag tumanda ako katulad ni Pen, sana sa mga batang artista na henerasyon ngayon, sana merong isang Coco Martin na magbibigay halaga sa senior or elder actors. Kasi kung anuman ang pinundar nila, ‘yun din ang nagbigay ng inspirasyon, ng leksyon sa ‘ming mga batang artista.”
Dagdag pa niya, “sana kaming nasa edad ngayon, sa mga batang henerasyon ngayon na artista, it’s not just about social media, it’s not just about how many likes you have or your followers. It’s your dedication to your craft and its how kind and dedicated and committed you work with other people, hindi lang sa co-actors mo, sa lahat ng parte ng team. Sa staff, sa crew, sa utility, sa buong community ng pagtatrabahuan mo.”
Nagmistulang tribute kay Coco ang nabanggit na mediacon dahil halos lahat ng dumalo ay pinasalamatan siya dahil sa mga tulong na natanggap nila during the pandemic, nabigyan sila ng trabaho at iba pa.
Maliban kay Cherry Pie, Isa pang nagpasalamat sa tinaguriang Primetime King ng ABS-CBN ay si Dindo Arroyo na kinuha siya sa “FPJ’s Ang Probinsyano” taong 2016 – 2017. Matagal na panahon kasing hindi naging aktibo ang kontrabidang aktor.
Kaya ang sabi niya, “Noong dumating ang Ang Probinsyano iyon ho ang nagbigya sa akin ng break ulit. Binuhay po ang career ko napakain ang pamilya ko. Ngayon kinuha na naman ako (FPJ’s Batang Quiapo) tataba na ang pamilya ko.”
Going back to Cherry Pie ay nakasama niya si Coco sa Ang Probinsyano pero sandali lang noon dahil episodic pa kaya nang tumagal ng pitong taon ang programa ay sinabihan niyang ‘bakit hindi mo ako kinukuha?’
At ngayong kasama na siya sa FPJBQ, “I just really feel blessed and siyempre nagpapasalamat ako sa ABS (CBN), Dreamscape (Entertainment) of course kay direk Coco for making me a part of the show. Sabi niya mahirap siyang ka-trabaho kasi masipag siya, ‘yung commitment niya at dedication niya sa craft niya and I love working with those kinds of people kaya nagpapasalamat ako na kasama ako. Sa totoo lang ang dami-daming natulungan ni Coco Martin, ‘yung iba hindi na lang ipinapaalam.”
Bukod kay Cherry Pie ay nagbahagi rin ng kuwento ang isa pang mahusay na aktres na si Irma Adlawan na nasa 2 Good 2 Be True series palang siya ay nakatanggap na siya ng tawag mula sa kampo ni Coco at sinabi raw nito na gusto siyang maka-work ‘yun nga lang hindi pa alam ng staff kung kailan magsisimula.
“Sabi ko sa kausap ko (staff), thank you for making me feel very special and of course I’ve worked with Coco for a long time sa indie days’ pa namin hindi pa siya The Coco Martin,” saad ni Irma.
Nabanggit din na short stint lang siya sa “Ang Probinsyano” at umaasa siya na mas magtatagal siya sa Batang Quiapo.
Anyway, mapapanood na ang “FPJ’s Batang Quiapo” sa Lunes, Pebrero 13 sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment.
Related Chika:
Anak ni Cherry Pie botong-boto kay Edu: Tsaka malaki na si Mom, alam na niya ginagawa niya
Cherry Pie kinilig sa bonggang surprise ni Edu: It was like in the movies
Edu Manzano, Cherry Pie Picache bet pang magka-baby: Ang ganda siguro ng anak natin
Relasyong Cherry Pie, Edu aprub sa mga celebs pero ninega ng ilang bashers