Pamilya ni Ate Guy inapi-api noon: ‘Nangungutang ako ng bigas, walang magpautang sa akin kaya wala kaming makain’
FIRST time namin narinig ang kuwento ng nag-iisang Superstar at National Artist na si Nora Aunor tungkol sa hindi niya malilimutang karanasan noong bata pa siya.
Muling nakaharap ng ilang members ng entertainment media si Ate Guy kahapon para sa story conference ng bago niyang pelikula, ang “Pieta” na ididirek ni Adolf, Alix, Jr..
Makakasama niya rito si Konsehal Alfred Vargas at ang award-winning actress at direktor na si Gina Alajar. Si Alfred din ang magpo-produce ng “Pieta”.
Sa isang bahagi ng presscon, natanong si Ate Guy kung ano ang masasabi niya sa mga artistang napipilitang magkunwari o magsinungaling para maprotektahan ang kanilang image at career.
Kilala kasi ang Superstar bilang matapang at hindi takot magpakatotoo sa kanyang sarili at sa publiko.
“Ay, ano po kasi, nakamulatan ko na po iyan sa mga magulang ko noong araw. Siguro andoon yung dahil sa sobrang hirap namin at laging ako ang nauutusan pag may mga kailangan sa bahay.
“Sasabihan ang kapatid ko pero suma tutal, sa akin din babagsak lahat ng pinapagawa,” simulang pahayag ni Ate Guy.
“So nasanay na ako sa ganu’n. At dahil sa sobrang hirap namin, nasabi ko sa sarili ko…tapos kasi, may mga umaapi din sa amin, e. Noong araw, naranasan ko.
“Na kapag…nu’ng minsang hirap na hirap na ako, halimbawa nangungutang ako ng bigas. Wala nang magpautang sa akin. Wala na kaming makain,” patuloy pa niya.
“Ala-una na, hindi pa kami nagsasaing. Wala pa kaming maisaing. So, yung mga kapatid ko na inutusan ng nanay ko, hindi rin gumagalaw. So, ako na ang gumalaw.
“So, lahat ng tindahan, yung mga bigasan, walang magpautang sa akin. So, ang inaano ko, yung pinakahuli naawa.
“So, nu’ng maawa sa akin, nagmamadali akong umuwi sa bahay. Nadapa ako. So, yung bigas na dala-dala ko, natapon pa.
“So, umiiyak ako na dinadampot ko yung bigas na may mga buha-buhangin na, may mga lupa-lupa nang ano.
“Pagdating ko sa bahay, pinalo pa ako ng nanay ko. Kasi, mag-aalas dos na yata yun, alas-tres…hindi pa rin kami nanananghalian. Kasi, wala kaming mailutong ano.
“So, du’n ko nasabi, sabi ko… dahil sa mga taong yun na pinahirapan din ako, sabi ko, ‘Balang araw, kapag ako nagkaroon, ipinapangako ko na hindi ko gagawin yung ginawa ninyo sa akin!’
“Kaya siguro naman, sumobra lang ngayon. Sumobra lang. Kaya suma tutal, pulubi pa rin ako hanggang ngayon,” ang natatawang biro pa ni Ate Guy.
“Dahil konting…may mga lalapit, last money ko na… maaawa ako, ibibigay ko pa. Kinabukasan, ako ang maghahanap ng pera para pambili ng ganito, pambayad sa ganito. Iyon po ako. Ako po yun,” paglalarawan pa niya sa sarili.
Samantala, nabanggit nga ni Direk Adolf na ang kuwentong ibinahagi ng Superstar ay mababasa sa unang libro na ilalabas very soon na maglalaman ng makulay at madramang life story ng Superstar.
Sabi pa ni Ate Guy, “Malapit na ho ninyong mabasa kasi isusulat na ho yung libro ko. Tutulungan po kami ni Konsehal (Alfred Vargas) na matapos yung libro. Iyon po.
“Siguro ho, baka May (2023, baka meron na, magkaroon na ng copy. Kaya ngayon pa lang ho, isulat nyo na, ha? Yung libro namin na gagawin, ha? Para abangan na ng mga tao.
“At hintayin na nila. Kasi, yung libro na yun, walang aalisin dun. Kung ano ang nangyari sa buhay ko talaga, yun ang ilalagay talaga sa libro. Yung mga nangyari sa buhay ko.
“Unahin muna namin yung simula, yung first part, yung pagkapanganak. Tapos mga nangyari sa akin nung bata ako hanggang sa nanalo ako ng Tawag ng Tanghalan.
“Second part, yung mga sa puso yun. Tapos pangatlo, yung artista na ako talaga,” chika pa ni Nora.
Samantala, ang pelikulang “Pieta” ay mula sa Alternative Vision Cinema at Noble Wolf Films.
Ate Guy naturukan na rin ng COVID vaccine matapos dumaan sa tamang proseso
Nora Aunor nagpunta sa tribute para sa mga National Artists kahit may sakit
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.