MRT-3 mas marami nang maisasakay na pasahero, umikli na ang waiting time
MAY magandang balita para sa commuters!
Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) na nakumpleto na nila ang overhauling ng 72 train cars.
Ibig sabihin niyan ay nasa maayos na kundisyon na ulit ang mga bagon matapos makapasa sa quality at safety checks.
Ayon sa DOTr, makakaasa na mas maraming pasahero ang makakasakay sa MRT-3 dahil mas maraming train sets na ang nakatakdang i-deploy.
Mula sa 10 hanggang 15 na tren, aabot na sa 18 hanggang 20 ang babiyahe tuwing peak hours.
“The completion of the overhauling of the 23-year-old fleet will significantly increase the rail line’s passenger capacity with 18 to 20 train sets expected to be deployed during peak hours,” lahad ng ahensya sa isang pahayag.
At dahil nakumpleto na ang rehabilitasyon sa MRT-3, magiging maikli na ang waiting time ng mga pasahero.
Kung dati ay umaabot ng mahigit 9 minutes ang interval ng bawat tren, ngayon ay nasa 4 minutes na lamang.
Tiniyak din ni Transport Secretary Jaime Bautista na mas ligtas na ang mga bagon at maiiwasan na rin ang mga aberya sa tren.
Pagmamalaki din ni Bautista na tatlong buwan silang maaga sa target date ng overhauling ng mga bagon.
Ang initial deadline kasi nila ay sa darating na Mayo pa.
Read more:
Chito nakumpleto na ang 2 COVID-19 vaccine: ‘Wag na kayong matakot magpabakuna
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.