PUMANAW na ang dating Ginebra player at tinaguriang “Plastic Man” ng Philippine Basketball Association (PBA) na si Terry Saldaña sa edad na 64.
Nitong Miyerkules, Pebrero 1, tuluyan na ngang sumakabilang buhay ang dating basketbolista dahil sa sakit nito sa bato (kidney).
Ang pagpanaw ni Terry ay kinumpirma mismo ng PBA Commissioner Willie Marcial nang makausap nito si Ed Cordero na dating teammate ng namayapang basketbolista sa Toyota.
Nitong 2021 lang nang manawagan at humingi ito ng tulong-pinansyal dahil sa lumalala niyang karamdaman.
Nagsimulang maglaro sa PBA si Terry nang kunin siya ng Toyota noong 1982.
Dapat sana ay magkakaroon ito ng award bilang Rookie of the Year ngunit nasangkot ito sa gulo laban sa Sputh Korean national team noong 1982 PBA Invitationals.
Matatandaang naging player ng Ginebra si Terry mula 1983 hanggang 1987 at bumalik noong 1997 hanggang 1998 kasama ang playing coach na si Robert Jaworski.
Naglaro rin siya para kay coach Yeng Guiao sa Swift noong 1993 at Batang Red Bull naman noong 2000 na kanyang final season na rin.
Nanlo rin si Terry ng MVP noong nagkaroon ng reunion game sa pagitan ng Toyota at Crispa noong 2003 All-Star Game.
Nito lang 2018 nang maging assistant coach siya ng Wang’s Basketball sa PBA D-League.
Nabansagan si Terry Saldaña bilang “Plastic Man” dahil sa mga paikot nitong tira.