ALV Pageant Circle kumalas na sa Miss Supranational organization | Bandera

ALV Pageant Circle kumalas na sa Miss Supranational organization

Armin P. Adina - February 01, 2023 - 01:02 PM

 

 

NAUNA nang ibinahagi ng ALV Pageant Circle ng talent manager na si Arnold L. Vegafria na magtatanghal ito ng hiwalay na Miss Supranational Philippines pageant, itinakda pa nga noong Enero 31 ang deadline para sa mga aplikante. Ngunit hindi na ito mangyayari.

Naglabas ng social media post ang pangkat na nagsasabing hindi na nito itatanghal ang unang hiwalay na pambansang patimpalak na pipili sa magiging kinatawan ng Pilipinas sa Miss Supranational pageant, at matatapos na rin ang partnership nito sa pandaigdigang organisasyon sa Poland.

ALV Pageant Circle kumalas na sa Miss Supranational organization

“After much deliberation, the board members and partners of ALV Pageant Circle have decided not to renew our Miss Supranational franchise and forego our plans of staging the Miss Supranational Philippines pageant this year,” nakasaad sa pahayag.

Nakuha ni Vegafria ang prangkisa noong 2021, at dagling ipinadala si Miss World Philippines contestant Dindi Pajares sa pandaigdigang patimpalak. Ilang ulit kasing naunsyami ang pambansang patimpalak dahil sa papalit-palit na protocols kaugnay ng COVID-19 pandemic, at kinailangan nang makapagpadala ng kandidata bago pa man makapagtanghal ng coronation night.

Nagsagawa siya ng botohan sa mga kalahok ng 2021 Miss World Philippines pageant, at si Pajares ang nakalikom ng pinakamaraming boto mula sa mga kapwa niya kandidata. Opisyal niyang tinanggap ang korona bilang Miss Supranational Philippines at tumulak pa-Warsaw para sa pandaigdigang patimpalak, kung saan siya nagtapos sa Top 12.

Reigning Miss Supranational Philippines Alison Black

Reigning Miss Supranational Philippines Alison Black/ARMIN P. ADINA

Sa 2022 Miss World Philippines pageant, si Alison Black ang nakasungkit sa titulo bilang Miss Supranational Philippines. Nagtapos siya sa Top 20 ng 2022 Miss Supranational competition.

Naghayag ng pasasalamat ang ALV Pageant Circle sa Miss Supranational organization para sa dalawang-taong pakikipagtrabaho, at “wish them all the best in all their future endeavors.”

Bago nakuha ni Vegafria ang lisensya ng Miss Supranational pageant para sa Pilipinas, hawak ito ng Binibining Pilipinas Charities Inc. (BPCI).

Si Elaine Kay Moll, 2012 Binibining Pilipinas first runner-up, ang unang kandidatang ipinadala ng organisasyon sa Miss Supranational pageant. Hinirang siyang third runner-up sa pandaigdigang patimpalak.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Noong sumunod na taon, sa ika-50 edisyon ng Bb. Pilipinas pageant, kabilang na ang Bb. Pilipinas Supranational sa mga titulong pinaglabanan. Nasungkit ni Mutya Johanna Datul ang korona, at kalaunan ay naging unang Miss Supranational mula sa Pilipinas.

Wala pang opisyal na pahayag ang BPCI kung kukuhanin nilang muli ang lisensya, o kung mapupunta ang prangkisa sa ibang organisasyon o personalidad.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending