SINIGURO ng Teleserye King ng ABS-CBN na si Coco Martin na ibang-iba ang ginawa nilang atake sa “FPJ’s Batang Quiapo” kumpara sa “Ang Probinsyano.”
Nag-share ng ilang detalye sa naturang serye ang premyadong aktor sa muli niyang pagharap sa mga miyembro ng entertainment media kamakailan para sa bago niyang endorsement, ang RiteMed.
Kuwento ni Coco, nagsimula silang mag-shooting para sa TV adaptation ng classic movie ni Fernando Poe, Jr., ilang linggo na ang nakararaan.
Aniya, natapos na nilang i-edit ang first episode ng programa na siyang papalit sa magtatapos nang action-adventure series ng ABS-CBN na “Darna” na pinagbibidahan ni Jane de Leon.
“Tapos na namin ‘yung Day 1 na episode. Sobra akong proud, ibang-iba siya sa ‘Probinsyano.’ Ibang-iba ‘yung treatment, ‘yung camera works.
“Sabi ko nga, kailangan nating makipagsabayan sa international. Lalo na ngayon, ‘yung mga telenobela natin, kinukuha ng Netflix and kung ano-ano pang (streaming service).
“Ihanda na natin, in case mapansin tayo or magustuhan nila. Siguro ito na ‘yung tamang panahon para i-upgrade naman natin ang ginagawa natin. Paghandaan na natin kung sakali na magustuhan nila yung proyekto,” pahayag ni Coco.
Sabi pa ng award-winning Kapamilya actor, posible ring makasama niya sa “Batang Quiapo” ang ilan sa mga aktor na napanood ng madlang pipol sa “Ang Probinsyano”.
“Actually hindi mo maiiwasan kasi ang na-guest ko sa ‘Probinsyano,’ 400 plus na actors. Ang isa sa naging pinakamalaking problema ko nung nasa ‘Probinsyano’ na ako, halos nauulit na ‘yung mga artista.
“Kasi dumating ako sa pagkakataon na wala na ako ma-guest. Talagang lahat halos na-guest ko na. Nahihirapan na kami mag-casting.
“Kaya sabi ko nga, talagang mauulit na ma-guest ko sa ‘Batang Quiapo’ ‘yung mga na-guest ko sa ‘Probinsyano’ kasi halos lahat na-guest ko eh. Masaya para sa ating lahat kasi ang kailangan natin ng hanapbuhay,” paliwanag pa ni Coco.
Patuloy pa niya, “Mas gusto ko nga ‘yun kasi alam na nila kung paano ako katrabaho. Hindi ka na mahihirapan pa, hindi ka na makikisama pa.
“Kasi kapag nagtrabaho kami, diretso, mabilis. Wala kaming inaaksayang pagkakataon kasi alam naman natin kung gaano kahirap, lalo na ngayon dahil 12 hours na lang ang taping so dapat productive,” mariin pa niyang sabi.
Makakasama ni Coco sa “Batang Quiapo” sina Lovi Poe, Lito Lapid at Charo Santos-Concio.
Ito’y mula sa Dreamscape Entertainment ng ABS-CBN at ng CCM Film Productions na pag-aari ni Coco.
Confirmed: Coco Martin, Lovi Poe magtatambal sa remake ng ‘Batang Quiapo’ nina FPJ at Maricel
Coco muling nakilahok Pista Ng Itim na Nazareno, isinabay na ang taping para sa ‘Batang Quiapo’