Target ni Tulfo by Mon Tulfo
TINGNAN ninyo ang mga front-page headlines ng Bandera kahapon:
“NBI agent, pulis bonnet gang.”
“Parak, 4 huli sa karnap, murder.”
Hindi na malaman ang pagkakaiba ng pulis sa kriminal.
At ibig pang mangyari ni Director General Jess Verzosa, hepe ng Philippine National Police, na magkaroon ng total gun ban gaya ng ipinairal noong nakaraang eleksyon.
Paano maipagtatanggol ng mga ordinaryong mamamayan ang kanila sarili sa mga taong dapat sana ay protektahan sila?
Kailangang mabigyan ang taumbayan ng karapatan na makapagmay-ari ng baril; at yung iba na nanganganib ang kanilang buhay ay dapat makapagdala ng baril sa labas ng kani-kanilang tahanan.
Hindi mapagkatiwalaan ang ating kapulisan.
* * *
Ang panukala ng Gunless Society ay mga pulis, NBI at militar lang ang dapat makapagdala ng baril.
Parang hindi nagbabasa ng mga diaryo, nanonood ng TV news at nakikinig sa radyo ang mga miyembro ng Gunless Society.
Ang karamihan sa mga biktima ng mga krimen at pang-aabuso ng mga tiwaling pulis ay yung hindi nagdadala ng baril.
Kapag alam ng masasamang-loob na may baril ang isang mamamayan na bibiktimahin nila, magdadalawang isip ang mga ito.
Tao rin ang mga kriminal at natatakot din sila na mamatay.
Sa mga states sa America kung saan ay hinihigpitan ng state governments ang pag-aari o pagdadala ng baril ang mamamayan, mataas ang krimen.
Sa mga states naman na maluwag ang gobyerno sa pagdadala o pag-aari ng baril, kakaunti ang krimen kumpara doon sa mga states na mahigpit.
Sa Australia , binili ng gobyerno ang mga baril sa kamay ng mga mamamayan sa pag-aakalang bababa ang krimen. Diyan sila nagkamali dahil mas lalong tumaas ang krimen dahil hindi na natatakot ang mga kriminal na mambiktima ng mamamayang walang armas.
* * *
Dahil walang pulis na nagbabantay sa ating mga highways, maraming nasasawi sa aksidente.
Hindi na mabilang ang mga namamatay sa aksidente sa ating mga daan.
Sa Cebu, 21 katao ang nasawi, karamihan sa kanila mga Iranian students, nang ang kanilang bus ay nahulog sa bangin.
Mababawasan ang mga sakuna sa highway kapag may mga pulis trapik na nanghuhuli sa mga sasakyang humaharurot.
Wala kang makitang pulis na miyembro ng Traffic Control Group (dating Traffic Management Group at Highway Patrol).
Nagsisilabasan lang ang mga ito kapag malapit nang mananghalian at maghapunan dahil mangingikil sila sa mga drayber ng mga sasakyang pampubliko.
Sa Palawan, kung saan umuuwi ako paminsan-minsan for many years now, dalawang beses ko lang nakita ang PNP Trafcon sa highway.
At sa mga pagkakataong yun ay dahil bibisitahin sila ng kanilang mga bossing na galing sa Camp Crame.
Kailangan daw nilang magdelihensiya upang may maipang-good time ang kanilang mga bossing.
Kahit na sa EDSA, walang MMDA traffic enforcers na nagpapatrolya upang hulihin ang mga drayber na mga kaskasero.
Ilang motorista at pasahero ang nasawi sa EDSA dahil sa aksidente?
Marami na, pero wala pa ring mga traffic enforcers na nagbabantay sa No. 1 highway sa buong bansa.
Hoy, mga inutil na pamunuan ng PNP, kailangan pa bang magkaroon pa ng iba pang aksidente bago kayo kumilos?
Bandera, Philippine News, 061610
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.