Tessie Tomas napanganga sa mansiyon na gagamitin sa ‘Dirty Linen’: OMG! Milyon ang ginasta, wala ditong fake!
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Tessie Tomas
SA pagsisimula pa lamang ng pinakabagong drama series ng ABS-CBN na “Dirty Linen” ay agaw-eksena na agad ang veteran actress na si Tessie Tomas.
In fairness, talagang bigatin ang cast ng serye at base sa reaksyon at review ng mga nakapanood na sa pilot week nito, hindi mapapahiya ang Dreamscape Entertainment sa madlang pipol.
Sabi nga ni Tessie Tomas, perfect comeback project ito for her makalipas ang apat na taong pamamahinga sa pag-arte kaya nagpapasalamat siya sa ABS-CBN sa pagbibigay sa kanya ng opportunity na makagawa uli ng teleseryeng de-kalibre.
“I’m sure maganda ‘yan! Mahal ako (ng Dreamscape) dahil sa ‘Blood Sisters.’ I am so deeply honored,” ang sabi raw niya sa kanyang manager nang ialok sa kanya ang proyekto.
Inamin niyang hindi siya agad nag-yes sa offer para sa karakter ni Doña Cielo, ang matapang at palabang matriarch ng makapangyarihang Fiero family.
“Noong binasa ko, du’n lang ako nakakita na ‘yung character ni Doña Cielo, mas mahaba kaysa sa storyline. Mas mahaba ‘yung description ng aking character. Parang nagka-diarrhea ako nang kaunti,” chika ni Tessie na may halong biro.
Bukod sa excitement na naramdaman niya nang malamang makakasama niya sa “Dirty Linen” sina Janine Gutierrez, Janice de Belen, Zanjoe Marudo, John Arcilla, Joel Torre, Angel Aquino at ang iba pang bigating cast members, naloka rin daw siya sa napakalaking production value nito.
Napanganga at napa-wow daw talaga siya nang makita ang mansiyon na pagsusyutingan nila pati na ang mga bonggang props na gagamitin sa produksyon.
“Sobra akong na in awe noong pumasok ako sa set, kasi recreated ‘yung mansion. Sabi ko, ‘Oh my God. Milyon ang ginasta ng Dreamscape dito.’ Wala ditong fake. ‘Yung mga chairs namin dito talagang velvet.
“Hindi nagtipid. Pang Netflix ito. Hindi mababawi ito kapag hindi nag-Netflix. Sabi ko, ili-level up ko rin ang acting ko dito kasi alam ko pinaghirapan ito,” chika pa ng beteranang aktres.
Napapanood na gabi-gabi ang “Dirty Linen” sa Kapamilya Channel at iba pang platforms ng ABS-CBN. Ito ay sa direksyon nina Onat Diaz at Andoy Ranay.
Kasama rin dito sina Christian Bables, Jennica Garcia, Francine Diaz, Seth Fedelin at marami pang iba.