MARAMI sa mga netizens ang humanga sa content creator at vlogger na si Whamos Cruz dahil sa kabutihan ng puso nito.
Isang pamilya kasi ang nais nitong tulungan na matagal nang nakatira sa ilalim ng tulay.
Sa video na ibinahagi ni Whamos sa kanyang Facebook account ay pinuntahan nila ang pamilya sa Cavite upang ilipat ito sa mas maayos at mas malinis na tirahan.
Makikita sa video na talagang nakakalungkot ang lagay ng pamilya at ang tulay na mismo ang nagsisilbing silong nila mula sa ulan at init ng araw at may konti ring tarpaulin.
“Actually, nakita ko ito sa TikTok tapos hiningi ko ‘yung address. Galing pa kami actually ng Manila at kayo talaga ang pinuntahan namin dito,” saad ni Whamos sa isa sa mga miyembro ng pamilya.
Pagkukwento ng pamilya sa ilalim ng tulay, nagtitiis na lang talaga sila kahit mahirap dahil wala naman silang mapupuntahang ibang lugar.
Natanong naman ni Whamos kung may trabaho sila at sinabing sa kabila ng pagkakaroon ng trabaho ng ama ng tahanan bilang janitor ay hindi sapat ang kinikita nila pra umupa ng bahay.
Kahit nga raw may takot at pangamba sa tuwing malakas ang ulan ay nagtitiis na lang sila talaga dahil wala naman silang ibang lugar na pupuntahan lalo na’t may tatlo silang mga anak.
“Papayag po ba kayo na iaaalis ko kayo dito [sa ilalim ng tulay]?” tanong ni Whamos sa mag-asawa.
Agad namang pumayag ang dalawa lalo na’t plano rin talaga nila ang lisanin ang mapanganib na lugar.
Tinanong pa ni Whamos kung ayos lang ba sa mga ito ang ilipat sila sa Maynila ngunit may trabaho ang lalaki sa isang paaralan sa Cavite at kakaumpisa lang ng mga ito kaya hirap sila kung sa Maynila sila lilipat.
Habang naghahanap ang vlogger ng lugar na pwedeng paglipatan ng pamilya ay nagpaabot muna ito ng pera para sa pagkain ng mag-anak.
“Ako talaga kasi lalo na kagabi hindi ako masyadong nakatulog gawa nga ng napanood ko ito sa TikTok… kahit anong hirap namin basta makarating kami rito, ayos lang,” kuwento ni Whamos.
Matapos ang dalawang araw ay ipinakita na nga ng vlogger ang bagong tirahan ng pamilya na nakatira noon sa ilalim ng tulay.
Namili na rin sila Whamos ng mga kama, drawers, electric fans, iba pang appliances at mga groceries para naman may magamit na ang pamilya sa kanilang paglipat.
Bukod rito ay nagregalo rin siya ng cellphone, alahas, at pera panimula sa pamilya.
Labis naman ang pasasalamat ng pamilya sa kabutihang loob ng vlogger.
“Maraming salamat po… Hindi na po kami maghihirap… hindi na kami babahain,” mensahe ng natulungan niya.
Ipinangako naman ni Whamos na siya na ang magbabayad ng renta ng bahay sa loob ng isang taon.
Related Chika:
Whamos Cruz pumalag sa mga nanglalait sa pinamigay niyang food packs: Ang intensyon ko doon ay tumulong
Whamos Cruz ibinandera ang pagiging ama, hirit ni Xian Gaza: Huwag naman sana niyang maging kamukha
Whamos Cruz ibinandera ang ‘kambal’ na si Whamsy
Whamos, Antonette bongga ang gender reveal party: ‘It’s a boy!’