Art exhibit binuksan upang matulungan ang mga lola sa Laguna
IPINAGDIWANG ng United Women Artists Association of the Philippines (UWAAP) ang ika-siyam nitong anibersaryo sa pamamagitan ng isang art exhibition na tinawag na “9” sa LRI Design Plaza sa Makati City noong Enero 7, at ibinenta ang mga likha upang makalikom ng pondo para sa mga matatanda sa isang lungsod sa Laguna.
Sinabi ni UWAAP Founder and President Menchu Arandilla sa isang panayam ng Inquirer na mahigit 100 likha mula sa 40 artists ang naka-display at ibinebenta, at ilalaan ang malilikom sa “abandoned lolas of San Pedro, Laguna.”
Sinabi niyang tinutulungan na ng UWAAP ang mga nakatatanda sa San Pedro mula nang itatag ang asosasyon noong 2014. Mula noon, lumago na ang pangkat sa mahigit 500 kasapi, kabilang ang Pilipinang artists sa ibayong-dagat. Sinabi ng asosasyon na pangunahing layunin nito “to support the goals to achieve success of the Philippine women artists.” Kabilang sa hanay nito ang beauty queen na si Hemilyn Escudero-Tamayo, 2021 Mrs. Tourism Universe.
Kabilang sa artists sa ilalim ng UWAAP ang “doctors, lawyers, educators, bankers, accountants, managers, international and local civil [servants], and entrepreneurs who vow to continue and revive their love for the arts,” ayon sa asosasyon.
Pinuposisyon ng asosasyon ang sarili bilang isang “guild of female artists of all ages who exude grace, true self-respect, indomitable strength, integrity, creativity, skill, and eagerness to learn both traditional and brand-new influences.”
Sinabi ni Arandilla na nagsasagawa ang UWAAP ng art exhibition tuwing anibersaryo nito, ngunit napatid nitong nagdaang dalawang taon dahil sa COVID-19 pandemic. Sa pagkakaalala niya, huli itong idinaos sa Dusit Thani sa Makati City bago pumutok ang pandaigdigang krisis pangkalusugan. “I think that was bigger,” aniya.
Para sa exhibition ngayon, gumugol si Arandilla ng tatlong buwan para sa mga likha niya, pinakamalaki ang oil on canvas painting na tinawag niyang “Bird’s Kingdom in the Enchanted Forest” na sumusukat ng 40 by 30 pulgada.
Sa Setyembre ang susunod na art exhibition ng UWAAP. “It will be for the induction of my officers,” ani Arandilla.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.