Pagdating ng Miss Universe delegates sa New Orleans simula na ngayong araw
OPISYAL nang magsisimula ang ika-71 Miss Universe pageant ngayong araw sa pagdating sa Estados Unidos ng mga kandidata mula sa iba’t ibang panig ng mundo, kahit pa may ilan nang naunang nagpunta doon para sa mga pahabol na paghahanda.
Nakaiskedyul ang registration at fitting ng 85 kandidata mula sa iba’t ibang bansa sa Enero 3 hanggang 6, at inaasahang kumpleto na silang lahat para sa candidates’ orientation sa Enero 6.
Isasagawa ang mahalagang closed-door interview ng selection committee nang dalawang araw, sa Enero 10 at 11. Sa Enero 11 din itatanghal ang on-stage preliminary competition kung saan rarampa ang mga kandidata nang naka-swimsuit at naka-gown. Sa naturang araw din itatanghal ang national costume show.
Inaasahan ang real-time streaming sa Pilipinas ng preliminary competition at national costume show sa Enero 12, simula alas-9 ng umaga.
Naka-iskedyul ang on-camera rehearsals sa US sa Enero 12 at 13, habang gagawin ang dress rehearsals sa umaga ng araw ng coronation sa Enero 14. Itatanghal ang live telecast ng final competition sa Enero 14, alas-7 ng gabi (Enero 15, alas-9 ng umaga sa Maynila).
Itatanghal ang ika-71 Miss Universe pageant sa New Orleans Morial Convention Center sa New Orleans, Louisiana, sa US. Ang Italian-Filipino model at realtor na si Celeste Cortesi ang kinatawan ng Pilipinas sa pandaigdigang patimpalak.
Sa kasalukuyan, may apat na Miss Universe na ang Pilipinas—sina Gloria Diaz (1969), Margie Moran (1973), Pia Wurtzbach (2015), at Catriona Gray (2018).
Pilipinas din ang may pinakamahabang aktibong streak sa semifinals sa Miss Universe pageant, na sinimulan ni Venus Raj na fourth runner-up noong 2010. Nagtapos sa Top 5 si Beatrice Luigi Gomez sa ika-70 edisyon na itinanghal sa Israel noong Disyembre 2021.
Si Shamcey Supsup-Lee, 2011 Miss Universe third runner-up, ang kasalukuyang national director para sa Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.