Miss Teen Hope International Selin Hernandez sa Miss Progress International sunod na lalaban | Bandera

Miss Teen Hope International Selin Hernandez sa Miss Progress International sunod na lalaban

Armin P. Adina - December 27, 2022 - 10:05 AM

 

Miss Progress Philippines Selin Hernandez

Miss Progress Philippines Selin Hernandez/ARMIN P. ADINA

MULA nang hirangin si Jedaver Opingo bilang unang Pilipinang Miss Progress International, patuloy ang pamamayagpag ng Pilipinas sa nasabing pandaigdigang patimpalak. Isang college student mula Pampanga ang nagnanais na maipagpatuloy ang kahanga-hangang record ng bansa sa paligsahan sa susunod na taon.

Si Selin Hernandez, na nagwaging Miss Teen Hope International noong 2018, ang napiling kumatawan sa 2023 Miss Progress International pageant. Siyam na buwan bago ang patimpalak, opisyal niyang tinanggap ang titulo niya mula kay reigning Miss Progress-Human Rights Zea Awatin sa isang pagtitipon sa Ambrosia Manila sa Uptown Parade sa Bonifacio Global City sa Taguig City noong Dis. 21.

Maliban kina Opingo at Awatin, dalawang Pilipina pa ang nakasungkit ng titulo sa pandaigdigang patimpalak—sina 2018 Miss Progress Environment Sarah Bona, at 2019 Miss Progress Human Rights Sarah Margarette Joson.

Walang itinanghal na patimpalak noong 2020 at 2021 dahil sa COVID-19 pandemic. Dahil dito, lumalabas na nagkaroon ng mataas na puwesto lang ang bansa sa huling apat na edisyon ng Miss Progress International pageant, at si Opingo ang tanging Pilipinang nakasungkit sa pinakamataas na titulo.

Sinabi ni Hernandez na nais niyang maging pangalawang Pilipinang hihirangin bilang Miss Progress International, at inaming dati pa niyang nais lumahok sa patimpalak sa Italya mula nang masungkit ang korona bilang Miss Teen Hope International.

Nagpahinga si Hernandez sa pageantry makaraang mapanalunan ang korona niya. Tinutukan niya ang pagmomodelo at kumuha ng Business Management sa Far Eastrn University. Ngunit hindi nawaglit sa isip niya ang paghahangad na makalahok sa Miss Progress International pageant, aniya. Naging aktibo siya sa community work, at lumikom ng mga babasahin at ibang suplay pampaaralan upang ipamahagi sa mga katutubong bata.

Sinabi ni Hernandez na maaaring siya ang maging pinakabatang kandidata kapag gumulong na ang patimpalak sa susunod na taon, ngunit malaki na umano ang ipinagbago niya mula nang hirangin bilang Miss Teen Hope International.

“I will resume my training after the holidays,” pangako niya. Ibinahagi ni Hernandez na kinakailangan na niyang sumubsob sa matinding pagsasanay nang ganito kaaga sapagkat magiging abala na siya sa internship niya sa Estados Unidos mula Mayo hanggang Agosto.

Itatanghal ang 2023 Miss Progress International pageant sa Puglia, Italy, sa Setyembre ng susunod na taon.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending