Andrea Brillantes bibida raw sa remake ng ‘Dyesebel’, magaling lumangoy at sumisid
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Andrea Brillantes
TRUE nga kaya ang kumakalat na chika na si Andrea Brillantes na raw ang napili para magbida sa bagong version ng fantasy-drama series na “Dyesebel”?
Ito kasi ang usap-usapan ngayon sa social media kasabay ng ibinalita ng talent manager at vlogger na si Ogie Diaz sa kanyang “Showbiz Update “YouTube” channel.
Ayon sa chika, sisimulan daw ang shooting ng “Dyesebel” sa 2023 na siyang ipapalit ng ABS-CBN sa “Mars Ravelo’s Darna” na pinagbibidahan nina Jane de Leon, Janella Salvador at Joshua Garcia.
Ang “Dyesebel” ay likha ni Mars Ravelo na siya ring nasa likod ng “Darna”, “Captain Barbell” at “Lastikman.”
Ang huling gumanap na Dyesebel ay si Anne Curtis na umere sa Kapamilya Network noong 2014. Nakasama niya rito sina Gerald Anderson at Sam Milby.
Ayon kay Ogie, na nakasama rin sa “Dyesebel” ni Anne, pwedeng-pwede naman talagang mag-Dyesebel si Andrea dahil marunong itong lumangoy at magaling ding sumisid.
Sey pa ng vlogger, base sa ilang Instagram photos ni Andrea ay praktisado na ito sa paglangoy at pagsisid dahil sa kanyang regular swimming sessions.
Habang sinusulat namin ang balitang ito ay wala pang inilalabas na official statement ang ABS-CBN kung matutuloy ba sa 2023 ang “Dyesebel” at kung si Andrea na nga ba ang bibida rito.
Matatandaang sa ilang panayam noon kay Andrea ay palagi niyang sinasabi na pangarap talaga niyang gumanap na sirena.
“Gusto ko talaga kasi nung bata ako, feeling ko sirena ako. Kinulang lang kasi ako sa buntot pero marunong akong lumangoy!” aniya.