Bandera Editorial: Weder-weder lang | Bandera

Bandera Editorial: Weder-weder lang

- June 09, 2010 - 02:30 PM

Bandera Editorial

PROKLAMADO na ang bagong presidente, si Benigno Simeon Aquino III, na isinilang sa taon ng Daga. Ngayong siya na ang pangulo, panibagong grupo na naman ng mga sipsip at sulsol ang mamamahay sa kanyang tanggapan, sa Malacanang man o sa Times o sa Arlegui o sa condo. Noong panahon ng kanyang ina, gayun din ang nangyari, namahay din ang mga “we bulong,” nag-una-unahan ang mga peninsulares at insulares, nakita ng media ang bagong mukha ng matatanda na tila pambahay na lang sana kundi nailuklok ng pag-aalsa ng Aguinaldo, na sinuportahan ng Crame, ang balo ni Ninoy, hanggang sa sunud-sunod na pinalitan ni Pangulong Cory ang kanyang hinirang nang bahain ng batikos.
Ang Daga ay nerbiyoso, madaling mairita. Tamad ang Daga pero ambisyoso. Nakakamit at nagaganap ang kanyang mga ambisyon sa tulong ng kanyang mga kasama, kaibigan at mga sipsip sa kanya. Ganyan ang kalakaran sa lungga ng Daga. Sa lungga, nakikisama ang haring Daga sa mga sipsip at sulsol. Ang solong Daga ay walang kakayahan at ipagmamalaki. Pero, sa pagkakaisa sa lungga ay nagkakaroon siya ng kapangyarihan.
Pero, sila na mismo ang kailangang pag-ingatan ng Daga, ang mga sipsip at sulsol. Lumutang na nga ang isa sa kanila at binubuyo na ang Daga na sibakin at palitan si Armed Forces chief Gen. Delfin Bangit (bakit nga ba kailangang palitan si Bangit? Dahil “mistah” ito ni Pangulong Arroyo? Dahil miyembro si Bangit ng Philippine Military Academy Class 1978, na ngayon ay nakatalaga sa mga pangunahing puwesto ng AFP at National Police?).
Weder-weder lang at hindi maganda ang weder para sa militar at ilang opisyal ng pulisya. Hayagang sinabi ni Bangit na di wasto na pasukin ng politika at makialam ang mga politiko sa hukbo, dahil kailan man, di pampolitiko ang AFP.
Wala pang lumulutang na sirkulo ng mga heneral para kay Noynoy. Si Voltaire Gazmin ay retirado at tila walang nakaaalala na minsan ay inakay niya sa karangalan at kabayanihan ang AFP. Sa mga kudeta kay Pangulong Cory, sina Fidel Ramos, Jose Almonte at Rodolfo Biazon ang pumigil sa pagbagsak, sa tulong na rin ng Amerika.
Pagkatapos ng seremonya ng panunumpa, sana’y mag-ingat si Noynoy sa pagmamagaling ng mga sipsip at sulsol na nananamantala sa pagdating ng kanilang panahon.

Bandera, Philippine News, 060910

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending