Ka Tunying inaming napakalaki ng talent fee sa ALLTV; tinanggihan ang offer na tumakbong senador
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Anthony Taberna
DIRETSAHANG inamin ng veteran broadcast journalist na si Anthony Taberna na ayaw na sana niyang bumalik sa telebisyon dahil sa ilang personal na kadahilanan.
Sa kauna-unahang pagkakataon makalipas ang halos tatlong taon ay muling nakachikahan ng entertainment media si Ka Tunying para sa bago niyang public affairs program, ang “Kuha All.”
Nagsimula na ito kahapon, November 26, sa ALLTV 2 na pag-aari ng pamilya ni dating Sen. Manny Villar na pinamamahalaan din ng TV host na si Willie Revillame.
Ayon kay Ka Tunying, na huling napanood sa programang “Kuha Mo” ng ABS-CBN noong 2020, ayaw na sana niyang bumalik pa sa telebisyon.
“Actually po, hindi naman po ako talaga gigil na gigil na magbalik talaga sa telebisyon.
“Dumating ‘yung pagkakataon na talagang sinabi kong ayoko na, eh. Gusto ko nang unahin ang pamilya ko, eh. Kasi, sobra pong exhausting po talaga ang magkaroon ng TV show/shows.
“Sobra pong exhausting, sobrang time-consuming, sobrang stressful, pagka may mga gusto ka na hindi mo makukuha,” aniya.
Sey ng dating news anchor, kuntento na siya sa kanyang YouTube channel at Facebook page at sa mga negosyo nila ng asawang si Rossel Taberna.
Pero bigla raw dumating ang offer ng ALLTV, “Sabi ko ‘lakihan n’yo sweldo n’yo sa akin, kasi kung hindi n’yo lalakihan ang sweldo n’yo sa akin, eh magyu-YouTube na lang ako.’ Ayun, kaya nilakihan ‘yung ano (talent fee) ko.
“They gave me an offer that I couldn’t refuse. Eh, sino naman ako para tumanggi?” pag-amin ng TV host.
Hindi rin niya itinanggi na may offer din sa kanya noon ang TV5, “No offense but with the current plans ng ALLTV ngayon, tingin ko, blessing in disguise na nandito po ako at hindi nagkatuluyan du’n sa TV5.
“Uulitin ko, no offense naman, ano? And I fully respect MVP (Manny V. Pangilinan ng TV5) pero tingin ko ay may magandang dahilan kung bakit hindi kami nagkatuluyan and maybe this is for the good of everyone, lalo na sa career ko at sa management din ng ALLTV. Napakagandang maging parte ng bagong Channel 2,” pagmamalaki pa ni Ka Tunying.
Samantala, ang “Kuha All” ay isang public service program na may kinalaman sa mga krimen o aksidente, anomalya or kahit anon’g mga interesting stories na nahahagip or nakukunan ng camera.
Dahil nga public service ang bago niyang show ay natanong din ang broadcaster at matapang na commentator kung ito ba’y paghahanda niya sa pagsabak sa politika.
“I have had offers from all parties na yata in the past at tinanggihan po natin kahit wala po tayong gagastusin para sa kampanya. Because wala po sa dugo ko ang politika,” pagpapakatotoo ni Ka Tunying.
Ang pagtakbong senador daw ang alok sa kanya at handa na raw ang budget para sa kampanya, “Susulatan na po ‘yung tseke. Pero hindi po talaga.
“Sabi ko nga sa kanila, hindi ko po linya ito. I’d like to get involved in public service but not necessarily become a public servant,” sabi pa ni Anthony.
Nag-start na kahapon, Sabado, ang “Kuha All”, 5 p.m. sa ALLTV.