Pinoy wagi sa Man Hot Star International contest sa Thailand
KASUSUNGKIT lang niya ng kaniyang national title noong nagdaang buwan sa Misters of Filipinas pageant, ibinandera naman ni Jovy Bequillo ang Pilipinas sa unang edisyon ng Man Hot Star International contest sa Bangkok, Thailand, noong Nob. 25.
Tumanggap ang taga-Naga City na si Bequillo ng THB500,000 (P794,000) bilang top winner sa patimpalak kung saan nakatapat ng mga kalahok na Thai ang mga kandidato mula sa iba’t ibang mga bansa.
Ginawaran din siya ng voucher na nagkakahalagang THB50,000 (P79,400) ng luxury label na Guy Laroche, at binigyan din ng mga regalo ng ibang sponsors. Tumanggap din siya ng THB10,000 (P15,890) bilang “Best in Social Media.”
Sinimulan na ng Misters of Filipinas pageant ang 2022 edition nito nang iulat na idadagdag ang Man Hot Star International sa hanay ng mga pandaigdigang patimpalak kung saan ito magpapadala ng kinatawan ng Pilipinas. Sinabi ng national organization “the newest luxurious pageant in Thailand” ang bagong contest, na naghahanap ng “luxury brand model to meet the needs of the national business class.”
Nasungkit ni Bequillo ang titulong Misters of Filipinas-Man Hot Star International sa national finals noong Okt. 16, at lumipad pa-Thailand makaraan ang isang buwan lang.
Sinabi ng Man Hot Star International contest na makatatanggap ang winner ng mga proyekto sa pagmomodelo, pag-arte, at pagho-host sa Thailand, para sa ilan sa pinakamalalaking international luxury brands. Bago umalis ng Pilipinas, sinabi ni Bequillo na handa siyang tumira sa Bangkok kung magwawagi, upang magampanan ang mga tungkuling ibibigay ng international organization, at tumanggap ng mga trabaho sa industriya ng fashion at entertainment doon.
Sa question round ng patimpalak, sinabi ni Bequillo na hindi hadlang ang pagkakaiba ng wika niya bilang isang Pilipino sa Thailand, at nais niyang matutong magsalita ng Thai upang mapadali ang pagtratrabaho niya sa Bangkok.
Kabilang na ngayon si Bequillo sa hanay ng mga pambihirang hari ng Misters of Filipinas na naging unang winner mula Pilipinas sa kani-kanilang international competitions—sina 2014 Mister International Neil Perez, 2016 Man of the Year Karan Singhdole, 2018 Mister Tourism Universe Ion Perez, 2018 Mister Model Universe Carlo Pasion, 2019 Mister Tourism and Culture Universe Yves Campos, at 2022 Runway Model Universe Junichi Yabushita.
Sa susunod na taon naman lalaban ang batchmates ni Bequillo sa 2022 Misters of Filipinas—si James Reggie Vidal sa Man of the World, Zach Pracale sa Mister Model Worldwide, Michael Angelo Toledo sa Fitness Model World, at Marc Raeved Obado sa Mister Super Globe.
Related Chika:
LIST: Mga celebrities at artists na nagwagi sa Awit Awards 2022
Glaiza De Castro wagi bilang ‘Best Actress’ sa 2022 Filipino Arts and Cinema International
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.