Ryan Bang wagi sa ‘Magpasikat 2022’: Sa loob ng 13 taon hindi ako nag-champion pero ngayon nanalo na ako
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Ryan Bang
SA WAKAS, naiuwi rin ni Ryan Bang ang kanyang unang “Magpasikat 2022” grand champion title sa tulong ni Jhong Hilario matapos ipakita ang magandang relasyon ng mga Koreano at Filipino sa ika-13 anibersaryo ng “It’s Showtime.”
“Akala ko hindi ko ito mae-experience. Ang sarap sa pakiramdam. Nahihiya na ako sa inyo madlang pipol na sa loob ng 13 taon hindi ako nag-champion pero ngayon champion na ako,” emosyonal na pahayag ng TV host-comedian.
Sa pamamagitan ng Filipino at Korean dances, naipakita nila ang kasaysayan at kultura ng Pilipinas at Korea. Ibinandera rin nila ang Filipino veterans na tumulong sa South Korea noong Korean War.
“Maraming salamat sa ‘It’s Showtime’ family dahil binibigyan niyo po ako ng pagkakataong tumulong sa kapwa ko Pilipino. Utang na loob po namin and lahat ng Koreans sa lahat ng Pilipino veterans dahil kundi sa kanila ay walang South Korea,” ani Ryan.
Ang kanilang grand prize na P500,000 ay ibibigay nila sa isang charity organization ng Filipino veterans.
Second placer naman ang nakakaantig na performance nina Vice Ganda at Amy Perez para sa mga PWD at iba’t ibang manggagawa. Nagwagi sila ng P300,000 para sa kanilang napiling charity.
Nasa ikatlong puwesto naman sina Karylle at Ogie Alcasid na nag-uwi ng P100,000 para sa kanilang musical na binibigyang diin ang importansya ng pag-ibig sa buhay natin.
Nagsilbing hurado na kumilatis sa performances ng “Magpasikat 2022” ang award-winning actor na si John Arcilla, “Iron Heart” star na si Baron Geisler, “Dream Maker” mentor na si Darren Espanto, Janice de Belen, Pia Magalona, at Creative Programs, Inc. Head at ABS-CBN Foundation Executive Director na si Ernie Lopez.
Samantala bago magtapos ang programa, ibinahagi ni Vice ang kanyang mga napagtanto sa pagkapanalo ni Ryan.
Sey bg Unkabogable Star, “Yung pagkapanalo ni Ryan bigla kong na-realize na kung bakit hindi siya nananalo kahit ang dami na niyang napapakita. This time nanalo siya kasi binalikan niya kung ano siya bilang isang Koreano at Koreano na mahal na mahal ang Pilipinas.”
Bigla tuloy niyang naalala ang mga dating kasamahan sa programa at pinasalamatan ito.
“Gusto kong magpasalamat sa lahat ng mga hindi natin kasama. Dahil yung mga hindi natin kasama, sila yung kasama natin noong simula.
“Isa sila sa mga unang nag-isip, nagtaguyod at naging paa at kamay ng programa. Direk Bobet Vidanes, Direk Mel Feliciano, and Direk Boyet, thank you very much.
“Sa lahat ng mga host na nagsimula nito kasama na diyan sina Kuya Kim (Atienza), Billy Crawford, Coleen Garcia, Eruption, and Joey Marquez, thank you very much,” sabi ni Vice.
“Lahat ng mga nakasama namin gusto ko kayong balikan. Gusto kong balikan lahat ng masasayang alaala kasi masayang-masaya naman tayong lahat, mahal na mahal natin yung isa’t isa bago tayo hindi nagkaintindihan.
“Bago tayo nagkasakitan. Bago tayo nawatak. Bago tayo nagalit sa isa’t isa, nagmahalan tayo. Gusto ko balikan yun. It’s a celebration. We want to celebrate the love we once felt kahit hindi na tayo magkakasama,” dagdag ni Vice Ganda.