Huling tawag para sa mga aplikante ng Mutya ng Pilipinas pageant sa Nob. 20
HINAYAG ng Mutya ng Pilipinas pageant nitong Agosto na muli itong nagbabalik makaraan ang dalawang-taong pahinga dahil sa COVID-19 pandemic, at agad na binuksan ang pintuan para sa mga aplikante mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Tatlong buwan makaraan ang panawagang iyon, papatapos na ang paghahanap ng isa sa pinakamatagal nang mga national pageant sa bansa, kung saan nagpunta pa ang organizers sa Visayas at Mindanao, maliban sa mga screening na isinagawa sa Metro Manila at Central Luzon.
Mangyayari ang final screening ng 2022 Mutya ng Pilipinas pageant sa Nob. 20 sa Citadines Bay City sa Pasay City, kung saan maaaring magpatala ang mga aplikante mula Metro Manila, Luzon, Visayas, at Mindanao.
Magsisimula ang mismong screening nang ala-una ng hapon, ngunit bukas na ang registration nang alas-10 ng umaga. Sinabi ng organizers na mailalabas na ang talaan ng mga opisyal na kandidata para sa patimpalak ngayong taon sa araw ring iyon.
Para sa mga nagnanais na sumali, magdala ng application form, iba pang mga papeles na tinukoy sa opisyal na Facebook page ng Mutya ng Pilipinas, isang cocktail dress, at isang swimsuit na may scarf o coverup.
Tatanggapin ang mga aplikanteng mula 18 hanggang 25 taong gulang, nakasaad na babae sa pagkakasilang, at may hindi bababa sa isang magulang na Filipino citizen. Walang nakasaad na minimum height requirement.
Dapat din silang nakapagtapos ng hayskul, hindi pa nag-aasawa, walang anak at hindi nagdalantao. Dapat ding wala silang anumang criminal record.
Huling nagtanghal ng isang patimpalak ang Mutya ng Pilipinas pageant noong 2019, kung saan nasungkit ni Klyza Castro mula Davao City ang pangunahing titulo. Doon din nanggaling ang ikalimang Miss Tourism International winner ng bansa, si Cyrille Payumo mula Pampanga.
Related Chika:
Dagdag-korona, bawas-kandidata sa 2021 Miss Queen of Hearts PH pageant
Ikaw na ba ang susunod na Mutya ng Pilipinas?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.