Hidilyn Diaz ibinandera ang pagpasa sa thesis defense; desididong makatapos ng college
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Hidilyn Diaz
TALAGA namang binabagyo pa rin hanggang ngayon ng blessings ang Olympic gold medalist na si Hidilyn Diaz.
In fairness, malaki man o maliit, simple man o bonggang-bongga ang mga swerteng dumarating sa kanyang buhay ay talagang ipinagpapasalamat at ipinagbubunyi ni Hidilyn.
Tulad na lang ng bago niyang na-achieve kamakailan na ibinandera niya sa madlang pipol — nakapasa kasi siya sa kanyang thesis defense last November 11.
Tinatapos ngayon ng weightlifting champion took ang kurso niyang Business Management sa College of Saint Benilde (CSB).
Ayon kay Hidilyn, talagang inilaban niya ang pag-aaral niya sa college sa gitna ng kanyang super busy schedule.
At sa tulong ng mga taong nagmamahal at sumusuporta sa kanya, nakakaya niyang pagsabayin ang pag-aaral at pagte-training para sa susunod niyang laban bilang weightlifter.
Nag-post si Hidilyn ng ilang litrato sa kanyang Instagram account na kuha pagkatapos ng kanilang thesis defense.
Aniya sa caption, “Di ko inakala magagawa ko ito kasi naman kakaenrol ko palang sa BM marami na nagsasabi ang hirap ng thesis diyan, maraming bumabagsak sa course na diyan (hirap daw kasi).”
Sabi pa ng Pinay champ, maraming nagpapayo sa kanya na lumipat na lang ng university na may mas mabilis na “completion date” para sa kinukuha niyang course. Pero hindi raw niya iniwan ang kanyang eskwelahan.
Sabi raw sa kanya ng ilang kakilala, “Magshift kana ng courses at dun ka na sa ibang school na pwede kang makapagtapos ng pag-aaral by 1-2 years.
“Pero pinilit kong ipagpatuloy ang pagaaral sa @dls.csb dahil ang dami kong natutunan sa courses at sa mga instructor namin na mga magagaling sa field nila,” aniya pa.
Sunud-sunod naman ang natanggap na pagbati ni Hidilyn mula sa kanyang social media followers kabilang na ang ilang showbiz personalities.
Bukod sa pag-aaral sa kolehiyo, nagsimula na rin si Hidilyn sa kanyang training para sa 2024 Paris Olympics kung saan kailangan niyang patunayan na siya pa rin ang karapat-dapat na makapag-uwi ng gold medal.