SA unang pagkakataon ay nagpa-interview ang tatlong hosts ng Showbiz Update na sina Mama Loi, Dyosa Pockoh at Ogie Diaz na marami kaming nalaman tungkol sa mga nakakapanayam nilang mga kilalang personalidad.
Sabi ni Ogie, “May isa akong ini-interview na gusto ko ng tapusin kasi nandoon ‘yung manager, tinuturuan siya kung ano ang isasagot. Kaya pinansin ko ‘yung manager sabi ko, ‘kuya hindi ko marinig (sagot) kasi sumensyas akong maingay.
“Tapos hindi ko pa naitatanong ang sabi agad nu’ng (artista), ‘kahit ganito po ang kalagayan ko, e, nagpapasalamat pa rin ako sa Diyos.’ E, wala pa nga ako (sa tanong na ‘yun), alam mong kabisado ‘yung sasabihin?”
Tinanong namin kung inere ito ni Ogie sa vlog niya dahil nga hindi niya gusto ang naging takbo ng usapan.
“Oo, hindi ko nga shinare,” kaswal nitong sagot.
Hindi rin mataas ang views nito kaya hindi napansin ng mainstream media o hindi nadampot ng ibang vloggers.
“Meron konti,” kaswal na sagot ng content creator.
Kadalasan kasi ay pini-pick up ng ibang vloggers ang mga ibinabalita nina Ogie at mama Loi sa kani-kanilang YouTube channel na chop-chop lang at hindi na rin ito hinahabol dahil wala naman daw mangyayari.
“Kaya imbes na solo namin ang views, may kahati kami,” say naman ni Dyosa Pockoh.
Bukod kina mama Loi at Dyosa Pockoh ay kasama rin sina Tita Jegs at Ate Mrena sa “Showbiz Update” vlog na ayon kay Ogie bilang namamahala ay tig limang araw ang hatian nu’ng tatlo at sila lang ni mama Loi ang regular.
“Kasi we have to make 15 videos in a month, so tig 5 sila (Dyosa Pockoh, tita Jegs at ate Mrena. Pag may hindi puwede, ‘yung araw na available, makikipagpalit sila.
“Pinaka-una si Jegs na nandoon lang sa sulok dati ganu’n lang ng ganu’n (inaayos ang buhok) sabi ko, dito ka nga umupo (gitna) mag side comment ka, tapos natuwa ang mga tao (feedback) kahit walang ginagawa naaliw sila kaya naging regular na.
“Siyempre hindi naman kakayanin ng bakla na lagi siyang nasa amin kaya sumunod na sina Dyosa at Mrena, halinhinan silang tatlo,”kuwento nina Ogie, mama Loi at Dyosa.
Aksidente ang pagpasok ni Dyosa dahil isang buwang nawala si Jegs dahil na-stranded daw sa Dubai noong ihatid niya ang mga pamangkin niya.
“Kaya binibiro namin si Jegs na kapag nawala siya ulit may kapalit na siya,” sambit ni Ogie.
Natanong namin kung scripted ‘yung mga side comments dahil minsan ay personalan na at umaabot sa batukan at hampasan na.
“Hindi, kahit naman ako nagpapa-okray ako para balanse lahat,” saad ni Ogie.
“Pero sa aming tatlo si Mrena lang ang nakakabatok kay nanay (Ogie), ha, ha, ha,” sabi ni mama Loi.
“Pag nabibigla ang potah!” sagot ni Ogie.
Okay lang na batukan ang talent manager.
“Okay lang, huwag lang makikipag-sex,” kaswal na sagot nsa amin.
Walang sapawang nangyayari sa kanilang lima dahil nagsasaluhan kapag nalimutan nu’ng isa o kaya may naalala. Para lang daw silang nagkukuwentuhang magkakaibigan tungkol sa showbiz at ibang bagay na may kinalamang personal sa mga artista na ang pagkakaiba lang ay may nakatutok na kamera sa kanila.
“Kaya po siguro nage-enjoy ang mga tao (viewers) kasi hindi scripted, hindi pare-pareho ang bawa’t episode iba ‘yung lumalabas na katatawanan,” paliwanag ni mama Loi.
Tungkol naman sa mga sensitibong topic, “kino-consider namin ‘yun kasi importante ang mental health. Ayaw naming kami ang dahilan kung bakit nagkaroon ng depression o tumaas ang blood pressure. Kaya iyon din ang iniisip ko lagi at (naiisip) ko ang mga anak ko na iba-iba ang ugali, mga hanash sa buhay. Naisip ko rin ‘yung mga artistang nakakausap namin na may mga pinagdadaanan din.
“So, para hindi bembangin natin ng bembangin kasi tapos na ‘yun, old school na ‘yung tira ka ng tira para ka mapansin. Kasi ang fans ngayon kasi nu’ng araw kapag may buwisit lang na fans sa amin mumurahin kami sa sulat, pagkabasa ko ng sulat itatapon ko na, o, di kaming dalawa lang ang nakakaalam. Ngayon hihiyain ka talaga ng fans sa social media, naka-public ang kanilang mga comments.”
Nabanggit ding may mga follow-up stories din sila sa mga issues na kailangan din tulad ng kaso ng asawa ni Andrew Schimmer na tila ginagamit daw umano ang social media para kaawaan at humingi ng tulong para sa medical bills nila.
“Iyon po ang nakaka-proud sa channel namin kasi both sides hinihingi namin ang sides para balanse,”say ni mama Loi.
Para raw maiwasan kung may magagalit sa kanila para kung magkita o magkasalubong sa daan ay hindi iiwas ang mga personalidad kina Ogie, mama Loi, Mrena, Jegs, at Dyosa Pockoh.
At kapag may pagkakamali raw silang impormasyon na ibinalita ay humihingi sila ng dispensa at kaagad na itinutuwid.
“Hindi naman nakakawala ng krediblidad kapag nag erratum ka, nakakadagdag ‘yun sa pagkatao mon a ikaw ay nag-accept ng mali,” katwiran ni Ogie.
Isa ang “Showbiz Update” sa most trusted show sa YouTube channel pagdating sa mga isyung may kinalaman sa showbiz at patunay iyon dahil laging napi-pick up at mataas ang views.
Kaya naman kaliwa’ kanan na rin ang imbitasyon nila sa ibang bansa para magkaroon ng show dahil ang mga kababayan nating OFW doon ay ang programa nina Ogie, Jegs, Mrena, Dyosa at mama Loi ang pinapanood pagkatapos ng trabaho nila para mawala ang pagod.
Kakatapos lang nilang mag-show sa Sydney Australia at susunod naman ang Amerika kung saan 10 major cities sila mapapanood.
Related Chika:
Ogie Diaz may payo kay Vanessa Raval: Dapat may credibility tayo!
Ogie Diaz nag-sorry kay Carla Abellana: Pasensya na, nagkamali kami
Ogie Diaz umalma sa poser ni Kim Rodriguez: Paulit-ulit ha, halatang bobita bumble bee ang sumulat!