Joel Lamangan imbiyerna sa mga artistang tanga: Pero lahat ng tinarayan ko sumikat
HALOS lahat ng mga bagong artista ay pangarap makatrabaho ang direktor na si Joel Lamangan at karamihan sa mga naidirek niya ay wishing na makasama uli siya sa ibang proyekto.
Bukod kasi sa lumalabas ang husay nila sa pag-arte ay maraming rin silang natututunan mula kay Direk Joel.
Tulad na lamang ng mga artistang kasama sa pelikulang “Sa Kanto ng Langit at Lupa” produced ng 3:16 Media Network at Mentorque Productions sa ginanap na storycon nito kahapon, Nobyembre 7.
Unang beses makakatrabaho ng Kapuso actor na si Royce Cabrera si direk Joel at bukas, Miyerkoles ang unang shooting day nila, ayon kay Ms. Len Carillo, may-ari ng 3:16 Media Network.
Sabi ni Royce, “Takot ako sa kanya nu’ng una. Ha-hahaha! Pero dream ko talaga bilang aktor na maka-work ang nag-iisang Joel Lamangan, so, sana lagi kong gagalingan, lagi kong babaitan at ayaw kong maniwala sa sabi-sabi na nakakatakot si direk Joel, ang pananaw ko ay isang mahusay at malambing na direktor.”
Humirit si direk Joel ng, “Kayo lang naman ang nagsasabing nakakatakot akong direktor.”
Sabay paliwanag na, “Natatakot ang mga artista na hindi ginagawa ang kanilang katungkulan, unang-una tanga. Iyon ang pinakamahirap dahil walang cure. Kapag ang artista ay nagkukunwaring alam niya pero tanga, ‘yun ang kinagagalitan ko.
“Mas mabuting sabihin mo na lang na, ‘direk hindi ko po alam tanga po ako, ituro n’yo na lang sa akin kung ano ang gagawin ko.’ Diyos ko take 24 na siyempre magagalit ka na.
“Unang-una magagalit ang producer kasi madadagdagan ka ng shooting days, gastos ‘yun sa kanila. Pangalawa, may mga artistang call time mo ng 8 (a.m.) darating ng 12 (noon), may iba pang dumarating 4 in the afternoon.
“Magagalit na ako no’n, ang bawa’t oras ay pera ng producer. Suwelduhan din ako ro’n pero nasa ibabaw ng shoulders ko ang responsibilidad na ‘yun, kailangan kong i-control sila (artista).”
Pero kapag mahusay naman daw ang artista ay pinupuri ito ng direktor.
Katwiran kasi ni direk Joel kaya ayaw niya sa artistang hindi makasunod, “Bago mag-umpisa, kinakausap ko na sila, sinasabi ko na ang dapat gawin at kung ano ang hindi dapat gawin. Galit ako sa mga artistang hinahamak hawak ang mga tauhan ng pelikula.
“Yung tinataray-tarayan yung ibang tao, akala nila mas mataas sika sa crew. Ayoko ng hindi marunong makisama sa tao. Masama yun.
“Lahat ng tinarayan ko sumikat. Kayong mga artista, matakot kayo sa akin kung hindi ko kayo pinapansin. Kung ano ang ginagawa ninyo wala akong paki-alam ibig sabihin, hindi kayo nag-e-exist sa akin. Pag tinatarayan ko, may potential. Ang bunganga ko kung anu-ano ang lumalabas,” sabi ni Direk.
Pero kapag may mga artistang hindi talaga para sa nasabing larangan ay pinapayuhan naman daw ito ni direk Joel.
“Maraming artista na sinabi kong huwag ka ng mag-artista mag-waiter ka na lang. Thankful naman sila at head waiter na sila. Sinasabihan ko talaga sila.
“Hoy, sinasayang mo lang ang panahon mo rito. Bakit hindi ka pumunta sa abroad at mag-waiter ka? Tinutulungan ko sila at ayokong bigyan sila ng ilusyon na sisikat sila.
“Kawawa yung nanay, kawawa yung tatay. Lalo na yung mga nanay na may mga dalang gustong mag-artista,” kuwento pa.
Pero si Sean de Guzman na ilang beses nang nakatrabaho si direk Joel ay excited ulit sa muling pagkakataon lalo na nang mabasa niya ang script na sinulat nina Michael Angelo Dagnalan and Ma-an Asuncion Dagnalan.
“Teary-eyed po ako ako nu’ng binasa ko, napakaganda talaga kaya abangan po,” say ni Sean.
Si direk Joel kasi ang direktor ng pelikulang “Fall Guy” ni Sean na nagbigay sa kanya ng unang acting award mula sa Chithiram International Film Festival sa India.
Anyway, ang kuwento ng “Sa Kanto ng Langit at Lupa” ay buhay ng mga kabataang lumaki sa kalye na gustong ipakita sa pamamagitan ng pelikula ni direk Joel ito para mapansin ito ng gobyerno dahil sabi nga niya, “marami tayong nakikita na hindi nakikita.”
At ang ibinigay niyang ehemplo ay ang mga namamalimos sa kalye na huwag husgahan kaagad kung ito’y miyembro ng sindikato ang mahalaga ay nakita sila at natulungan kahit kaunti kaysa totally hindi sila pinansin.
Aniya, “Buhay ng mga bata sa mga panahong na sila ay kailangang mabuhay o survival issue at kung paano naging magkaibigan sa gitna sa lawak ng kahirapan, ang pagharap nila araw-araw sa buhay para mabuhay, ang problema nila ay paano sila mabubuhay sa araw-araw, wala naman silang inaasahang iba pa kundi ang sarili, ang pagkayod sa buhay.”
Kinlaro ni direk Joel na may sexy scenes ang Sa Kanto ng Langit at Lupa pero hindi ito matatawag na porn hub.
“Kapag ikaw ay naghuhubad sa pelikula para ipa-elya ang manonood iyon ay porn hub. Hindi ko sinasabing masama ‘yun kasi may mga tumatangkilik naman sa mga ganu’n pelikula. Pero ako, ayaw ko ng ganoon pelikula,” paliwanag ng direktor.
Mapapanood ang “Sa Kanto ng Langit at Lupa” sa Enero 2023.
Nora, Vilma, Sharon, Juday nakatikim din ng ‘talak’ kay Direk Joel Lamangan…anyare?
Joel Lamangan nagpakatotoo: Maraming direktor na bago pa lang ay mayayabang na…huwag ganyan
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.