Helper sa isang industrial company dinagsa ng job offer nang dahil sa FB post ng nagmalasakit na katrabaho
KAPAG tinamaan ka nga naman ng swerte ay wala ka nang magagawa kundi tanggapin ito nang bonggang-bongga at nang buong puso’t kaluluwa.
Ganyan ang nangyari sa isang licensed electrical engineer at registered master electrician na namasukan bilang helper sa isang industrial company sa San Simon, Pampanga.
Hindi inakala ni Virgilio Reyes, Jr. na biglang magbabago ang kanyang buhay nang ibandera ng isa niyang katrabaho sa Facebook ang pagiging lisensiyadong engineer.
Nakapagtapos siya ng Electrical Engineering sa University of Nueva Caceres sa Naga City noong 2019.
Kuwento ng FB user na si Jensen Sunga, magkasama sila ni Virgilio pinapasukang industrial company sa San Simon pero wala siyang kaalam-alam na licensed electrical engineer at registered master electrician pala ang kaibigan.
Ayon kay Virgilio napilitan daw siyang mamasukan sa nasabing kumpanya bilang helper. Nagmula pa raw siya sa Bicol at nag-apply sa kanilang kumpanya sa Pampanga para makapagsimula.
Pero matapos ngang mag-viral ang post ni Jensen noong October 18, 2022 ay bigla siyang inulan ng suwerte.
Nalaman nga kasi ni Jensen na isa namang safety officer, na lisensiyadong engineer si Virgilio at kasunod nito ipinost niya ang litrato ni Virgilio, kasama ang dalawa niyang license ID.
Ang caption ni Jensen sa kanyang FB post, “Hind makapunta ng Manila para maka-apply dahil hindi kabisado. Kaya ginawang stepping stone ang Pampanga.
“Baka need niyo ng engineer mga boss. Para sa future niya,” aniya pa.
At kinabukasan nga ay viral na ang post ni Jensen at inulan na ng job offers. Todo naman ang pasasalamat ni Jensen sa mga nag-alok ng mga trabaho kay Virgilio.
“Hindi po namin lahat kayo masasagot. Ang daming mga Company po ang gustong kumuha sa kanya, pero nakapag decide at nakapamili na po si Engr. Virgilio Milla Reyes,” sabi ni Jensen.
Aniya, may nga nagbigay pa ng cash kay Virgilio para makatulong siya agad sa kanyang pamilya bukod sa pansariling pangangailangan.
Ngunit sa dami ng nag-alok ng trabaho kay Virgilio ay nagdesisyon siyang tanggapin ang job offer ng kanyang present employer na nagbigay sa kanya ng trabaho bilang helper.
Kuwento ni Virgilio sa panayam ng One PH, sinubukan naman daw talaga niyang mag-apply sa iba’t ibang kumpanya pero hindi siya natatanggap dahil wala siyang work experience.
“Naghanap din po ako, nag-apply-apply sa online po bilang electrical engineer. Kaso ganoon po, di po pinapalad bilang electrical engineer, kaya nakita ko po yung company po na ito,” aniya.
Pahayag naman ni Jensen, “Nu’ng unang meet po namin niyan, sinabihan po ako ng kasama ko na, ‘Ito palang si Virgilio ay isang lisensiyadong engineer.’ Di ko din po akalain na totoo din po pala.”
Mensahe ni Virgilio sa kanyang katrabaho, “Maraming salamat po kay Sir Jensen po kasi po marami pong big opportunity na dumating sa buhay ko. Electrical engineer na din po ako sa company na pinasukan ko po.”
Payo ni Virgilio sa lahat ng mga tulad niyang nahirapan sa paghahanap ng trabaho, “Kahit mahirap mag-apply, sige lang po. Tiyaga lang po at sipag at dasal. Mapapawi rin po lahat ng problema. Basta tiwala din po sa sarili.”
Engineer ikinumpara sa ‘horror story’ ang nangyari sa dream house ni K Brosas
Alden nakapag-drive ng electric car sa US, binalikan ang favorite na kainan sa California
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.