Halloween Horror House, Tales of Illumina sanib-pwersa para sa ‘Cursed Haunted Forest’
NAGBABALIK ang Halloween Horror House ngayong 2022 makaraan ang dalawang taong pahinga dahil sa COVID-19 pandemic, at iaangat pa nito ang katatakutan sa tulong ng Tales of Illumina.
Katuwang ng Prime Event Productions Philippines (PEPPS) Foundation Inc., na organizer ng taunang pista ng katatakutan, ang multi-sensory art installation center para sa “Cursed Haunted Forest” para sa Halloween this year.
Sinabi ni PEPPS President Carlo Morris Galang sa Inquirer na paiigtingin ng tambalan ang kilabot at silakbo, na mas matindi pa sa kalimitang naihahandog ng karaniwang Halloween attractions sa mga perya at karnabal.
Maghahatid din ng kilabot ang tanyag na cosplayer na si Prince De Guzman, na sumikat sa kamangha-mangha niyang paggayak bilang si Pennywise mula sa “It.”
Ayon sa PEPPS, akmang-akma ang lugar ng Tales of Illumina sa Quezon City upang buuin ang isang natatanging horror experience para sa mga mahilig sa Halloween. Inayos ang lugar upang maging isang “massive haunted walk-through attraction with lots of horrifying live scare actors, Hollywood-level prosthetic scare artists, nerve-racking haunted set design, terrifying special effects, and frightening live show performances.”
Mayroon ding Halloween Café kung saan makakabili ng Halloween-themed snacks at refreshments sa Cursed Haunted Forest.
Magbubukas ang Cursed Haunted Forest mula Okt. 27 hanggang Nob. 2, mula alas-4 ng hapon hanggang alas-12 ng hatinggabi. May mga kategoryang mapagpipilian ang mga bisita na nagbibigay ng iba’t ibang karanasan ayon sa presyo ng pass—Freeze, Hide, Run, o Scream.
Mahigpit na ipatutupad ang health protocols, ngunit kinakailangang sundin ng mga bisita ang ilang pagbabawal. Hindi papapasukin ang mga batang wala pang 12 taong gulang, mga nagdadalantao, o mga may malalang sakit. Kailangan ng nakatatandang bantay ng mga menor de edad.
Ipinagbabawal din ang pagsusuot ng mga sapatos na may matataas na takong, ngunit hinihikayat ang pagsusuot ng Halloween costumes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.