Kinatawan ng Pilipinas sa international modeling contest pipiliin sa Catwalk Philippines | Bandera

Kinatawan ng Pilipinas sa international modeling contest pipiliin sa Catwalk Philippines

Armin P. Adina - October 25, 2022 - 11:43 AM

Catwalk Philippines female candidates

Catwalk Philippines female candidates/ARMIN P. ADINA

MAKARAANG maunsyami dahil sa COVID-19 pandemic, nagbabalik ang modeling contest na Catwalk Philippines ngayong taon, at may malaking pagbabago pa para sa ikatlo nitong edisyon sapagkat sasabak sa international competition ang mga magwawagi sa patimpalak.

Sinabi ni Dave Ocampo ng Designers Circle Philippines (DCP) na magiging kinatawan ng bansa ang dalawang magwawagi sa contest para sa unang edisyon ng Catwalk International na itatanghal sa Pilipinas ng pangkat niya sa 2023. “About 30 countries have already signified their intention to send delegates,” ibinahagi niya sa isang press conference kamakailan sa glass ballroom ng Okada Manila sa Parañaque City.

Bahagi ang 2022 Catwalk Philippines ng Manila International Fashion Week (MIFW) na kasalukuyang gumugulong, at nagbabalik din ngayong taon makaraan ang “pandemic pause.”

Sinabi ni Johnny Abad ng DCP na may 19 pares ng lalaki at babaeng modelo ang magtatagisan para sa Catwalk Philippines ngayong taon. At maliban sa karapatang ibandera ang Pilipinas sa isang international contest, tatanggapin din ng mga magwawagi ang tig-P50,000 na premyo.

Catwalk Philippines male contestants

Catwalk Philippines male contestants/ARMIN P. ADINA

Iginiit din niyang katulad ng mga nagdaang edisyon, mahalaga ang “disiplina” sa pagpili ng mga magwawagi. “We will hone them to be professionals,” ipinaliwanag niya.

Mapalad pa rin ang mga kalahok sapagkat hindi na nila kailangang magwagi upang makatanggap ng trabaho bilang mga propesyunal na modelo. Lahat ng 38 contestants kabilang sa mga fashion show ng 70 designers at brands na kasali sa MIFW.

Kasama rin sa mga modelo sa MIFW fashion shows ng designers at brands ang mga baguhang kabilang sa “Young Faces to Watch” na ipinakilala rin sa press conference.

Isa pang tampok sa 2022 MIFW ang unang edisyon ng Manila Fashion Film Competition, kung saan mapapanood ang mga pelikula tungkol sa fashion, fashion short films, at fashion documentaries mula sa fashion filmmakers sa iba’t ibang panig ng mundo.

Itatanghal sa Okada Manila sa Okt. 28 ang grand event ng MIFW, kung saan din nakapaloob ang final competition ng Catwalk Philippines. Pumunta sa https://manilaifw.com para sa impormasyon kung paano makakakuha ng tiket.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending